DepEd sinita ng COA dahil sa P1.9-B unliquidated cash advance

Imahe mula sa PNA
  • Sinita ng COA ang DepEd dahil sa P1.9-B na unliquidated cash advances nito
  • Nanguna ang Region 5 na mayroong mahigit P400-M habang ang Central Office naman ay may P101-M
  • Inamin naman ng DepEd ang kanilang pagkukulang at sinabing naibaba na ito ngayong taon

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Department of Education (DepEd) dahil sa unliquidated cash advances ng huli na umabot na sa P1.9 bilyon na naipon sa mga nagdaang taon.

Ayon sa pinakahuling ulat ng state auditors hanggang noong December 31, 2019, ang P1.9-B cash advances na hindi pa nali-liquidate ng DepEd ay nagmula sa Central Office nito at 11 Regional Offices ng ahensiya.

Imahe mula sa UNTV

Ang Region 5 ang may pinakamalaking unliquidated cash advances na umabot sa P445.5 million. Sinusundan ito ng Region 6 na mayroong P411-M; Region 12 (P290.3-M); NCR (P158.-M) at Region 13 (P125.6-M), base sa ulat ng GMA News.

Samantala, ang Central Office naman ay mayroong P101.8-M unliquidated cash advances; Region 4B (P93.9-M); Region 9  (P79.5-M); Region 1 (P70-M); Region 10 (P59.8-M); Region 3 (P34.7-M) Region 8 (P15.7-M); Region 2 (P15.3-M); Region 11 (P14.8-M); at Region 7 (P4.7-M).

“Aging of unliquidated advances in the total amount of P1,158,332,034.73 in DepEd Central Office and in nine Regional Offices revealed that P907,857,319.39 were granted during the year while the amount of P250,474,715.34 pertained to cash advances granted in previous years which have been due for over one year to more than ten years,” ayon pa sa COA.

Dahil dito, pinaalalahanan ng state auditors ang DepEd na sumunod sa pinaiiral na COA rules and regulations at DepEd guidelines sa granting, liquidation at monitoring ng cash advances at maglabas ng demand letters sa mga opisyal na accountable dito upang masettle na ang isyu.

DepEd Sec. Brioens| Screenshot mula sa RTVM video

Inamin naman ng DepEd ang kanilang pagkukulang at sinabing naibaba na nila ang unliquidated cash advances sa P45.3-M hanggang Marso ngayong taon. Pinaiiral na rin umano nila ang “No Liquidation, No Cash Advance” policy kung saan kailangang mag-liquidate ang bawat opisina kada buwan.

Kamakailan lamang ay nabatikos ang DepEd dahil sa pagbili nito ng 166 units ng pick-up truck na 4×4 Mitsubishi Strada na gagamitin umano ng mga engineers ng ahensiya.

Ito ay sa kabila ng idinadaing ng mga guro na kakulangan sa allowance sa internet at modules para sa pinaiiral na blended learning.

Loading…