DepEd Usec Alain Pascua humingi ng dispensa hinggil sa naispatang maling mathematical solution sa DepEd TV

  • Humingi ng dispensa si DepEd Usec Alain Pascua
  • Kaugnay ito ng pagkakamali sa mathematical solution na lumabas sa DepEd TV
  • Ipinagpasalamat niya ang patuloy na pag-critique upang mas mapaunlad pa ang quality control nito

Bago pa man maisakatuparan ang pagbubukas ng mga klase sa pampublikong paaralan noong Oktubre, hindi na tinantanan ng mga puna at naiispatang mga pagkakamali sa mga lumalabas na mga learning materials ang Department of Education, sa learning modules man o sa DepEd TV.

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang umano’y mali sa mathematical solution na makikita sa isa sa mga episode sa schedule ng Mathematics 9 sa DepEd TV, na tinalakay pa ng teacher-broadcaster nito. Nagsimula ito sa Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Jemima Manansala.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jemima Manansala

Ipinaliwanag ng naturang netizen na wala siyang “masamang tinapay” sa kagawaran. Ang layunin lamang daw niya ay ipakita ang pagkakamali sa mga impormasyong lumalabas, lalo na’t ito ay napapanood ng mga mag-aaral sa telebisyon.

“Hindi ko ine-expect na magte-trend ito nang ganito. Contrary to what others are thinking (ehem, mga friends), I have nothing against DepEd. In fact, I have been a supporter since they started pushing for the SY 2020-2021. I have even been featured on their page last May. Supporting also entails calling out faults. Yun lang po. Bow,” paliwanag niya.

Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang DepEd sa pamamagitan ni DepEd Undersecretary Alain Pascua. Inamin nga niyang may pagkakamali roon, at ipinakita pa niya ang tamang computation o mathematical solution, sa kaniyang Facebook post.

“May mali sa Episode #2 ng Mathematics 9 na naipalabas sa DepEd TV. Episode #56 ito na naipalabas na sa DepEd TV… Sa linear (hindi quadratic) equation na 2x=0, dapat ang divisor ay 2 (hindi zero) para makuha ang value ng x. Kaya’t 2x/2 = 0/2, cancel 2, 0/2=0… Kaya’t x=0. Ang lessons dito ay hindi pwedeng gamitin ang 0 bilang divisor kasi magiging “undefined” ang sagot,” paliwanag ni Pascua.

Imahe mula sa DepEd Facebook  page

“Humihingi po kami ng paumanhin sa ating mga mag-aaral, sa mga magulang at teachers sa pagkakamaling ito. Hihigpitan po natin ang pag-QA para maging perpekto ang ating mga episodes sa DepEd TV. Salamat po sa pag-critique sa episodes ng DepEd TV. Sana huwag lang mali ang tinitignan ng bawat isa.”

“Sana naman ay ma-recognize din ang galing at sakripisyo ng ating mga Teacher-Broadcasters, mga Production Team at buong DepEd TV, DepEd Commons, DepEd YouTube Channel Teams.

“May maganda ring naidulot ang pagkakamali na ito at ang pag-critique sa maling ito. Ipinapaalam sa atin lahat na mahalaga ang pag-QA sa mga episodes sa at paulit-ulit na pag-review ng mga episodes kahit pagod at puyat na ang mga teams ng DepEd TV. Nalaman na rin ng buong bansa, bata o matanda, na hindi pwedeng maging divisor ang zero (0).”

Samantala, hinihikayat naman ng DepEd ang publiko na kung may maispatan kaagad na pagkakamali sa mga impormasyon, sa modules man o sa DepEd TV, agad itong ipagbigay-alam sa kanilang hotlines.

Loading…