“Deserve mo ‘yan kasi nagtatrabaho ka”: Mister napaiyak sa surpresang EVO helmet ni misis

Image capture from video by Bullet Reyes via Facebook
  • Mister naging emosyonal makaraang regaluhan ng pinapangarap na EVO helmet ng misis
  • Ani Benson Madueno: “Nakikita ko lang ‘to sa market place e, puro screenshot lang ako sa market place”
  • Sagot ng misis sa pasasalamat ng mister: “Gusto ko lang lagi kang masaya, okay?”

Mahalagang mapanatili ang pagmamahal sa loob ng pamilya, lalo na sa mag-asawa dahil sila ang magsisilbing huwaran para sa mga anak. Maganda ring magbigayan ng regalo sa isa’t-isa kung may budget.

Naging emosyonal ang isang mister kamakailan makaraang makatanggap ng espesyal na regalo mula sa kanyang misis.

Image capture from video by Bullet Reyes via Facebook

Mapapanood sa bidyong ibinahagi ni Bullet Reyes (Arlene) sa Facebook ang regalo niya sa kanyang asawang si Benson Madueno para kanilang ika-17 anibersaryo bilang mag-asawa.

Binuksan ni Benson ang karton at napaiyak na lamang nang makita na ang nasa harapan niya ay ang pinapangarap na EVO helmet. Aniya, “Nakikita ko lang ‘to sa market place e, puro screenshot lang ako sa market place, ngayon nasa akin na siya.”

Sa isa pang bidyo ay makikita namang pinapatahan na ni Arlene ang kanyang mister. “Alam mo naman, mabunganga lang ako pero kung ano ‘yung gusto mo talaga at kaya kong bilhin, bibilhin ko ‘yan. Gusto ko lang lagi kang masaya, okay?”

Sabi ng lalaki wala pa raw siyang regalo sa misis pero sagot ng kausap ay hindi nito kailangan ng regalo. Ang mahalaga, anang babae, ay ang pagmamahal at pasensya na ibinibigay ng asawa.

Pagpapatuloy ni Arlene, “Kahit ‘wag kang mag-regalo sa akin, ikaw deserve mo ‘yan kasi nagtatrabaho ka. I love you.”

I-CLICK ANG IMAHE SA ITAAS PARA MAPANOOD ANG UNANG VIDEO | by Bullet Reyes via Facebook

Kaagad namang nag-trending ang mga bidyo na ini-upload ng misis at marami ang napahanga sa pagmamahalan nilang dalawa.

“Ganyan ang totong love, ‘di ‘yung gusto puro lalaki ang magbibigay ng gift. Karapatan din ng girls ang magbigay ng gift sa love nila dahil sa pag-intindi pa lang ng ugali natin, gift na nila sa atin ‘yun,” ang komento ng isa.

Saad naman ng isa pa, “Ang cute tingnan, napaka-appreciative noong lalaki, sweet ni misis. Love love.”

I-CLICK ANG IMAHE SA ITAAS PARA MAPANOOD ANG IKALAWANG VIDEO | by Bullet Reyes via Facebook

Loading…