DJ na may 16 boses, mag-isang gumaganap sa lahat ng mga karakter sa radio drama

Screenshot mula sa KMJS
  • Isang radio DJ sa Mindanao ang may talentong magpalit ng iba-ibang tinig
  • Nagagamit ni DJ Nonglading ang talento sa kanyang radio drama
  • Mag-isa lang niyang binobosesan ang lahat ng karakter sa drama na pinakikinggan maging sa ibang bansa

Nakabibilib ang talento ng isang disc jockey (DJ) sa Mindanao dahil kaya niyang magpalit ng iba-ibang boses. Ayon sa DJ, kaya niyang magboses matandang babae, matandang lalaki, babae, lalaki, bata, at bakla.

Screenshot mula sa KMJS

Sa katunayan, si Jameson “DJ Nonglading” Mondido ay may labing-anim na tinig. Nagagamit niya ito sa sarili niyang radio drama na pinamagatang “Handumanan sa Akong Kagahapon” kung saan mag-isa niyang binobosesan ang lahat ng karakter doon.

“Mas madali kasi ako ‘yung direktor, ako ‘yung actor. And then sa kita naman, siyempre ako lang ‘yung isa, ako lahat,” ani DJ Nonglading.

Kuwento niya, bata pa siya ay pangarap na niyang maging radio DJ. Dahil wala pang kuryente noon sa lugar nila, ang pakikinig sa radyong de baterya lang ang libangan ng mga residente doon. Madalas niya raw isipin na balang-araw ay magiging ganap din siyang DJ na pinakikinggan ng kanyang mga kapitbahay.

Nang makatapos sa pag-aaral ay nakapasok naman daw siya agad sa radio station na pag-aaari ng tiyuhin niya. Ang pagiging radio DJ ang naging daan para makilala niya ang kanyang napangasawa, si Girlie, na dati niyang tagapakinig.

Screenshot mula sa KMJS

Sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya, nagtungo si DJ Nonglading sa Cagayan de Oro City, ngunit hindi siya pinalad dahil kakaunti ang nakikinig sa programa niya. Sinubukan niyang lumipat sa ibang istasyon, subalit naging mailap pa rin ang tagumpay.

Sa kabila noon ay hindi pa rin niya sinukuan ang pagiging radio DJ kaya sinubukan niyang sa bahay na lang gawin ang trabaho gamit ang ilang kagamitan at internet.

At para mapalawak ang kanyang listeners ay sinubukan niyang mag-Facebook Live. Doon na nagsimulang dumami ang tagapakinig niya. Sa Katunayan, maging sa ibang bansa ay may mga followers na ang radio program niya – mga overseas Filipino workers.

Screenshot mula sa KMJS

Kasabay ng pagdami ng mga listeners ay dumating din ang maraming oportunidad.

“Sobrang daming mga opportunity po. Daming mga local radio network na mga nag-offer sa akin. May mga may-ari ng mga products na gusto nilang ako ang mag-endorse,” ani DJ Nonglading.

Maging ang mga avid listeners niya ay nagbigay ng tulong sa kaniya para makapag-set up siya ng sariling radio booth sa bahay niya.

Dahil sa kanyang talento at pagsusumikap, unti-unti na siyang nakapagpupundar ng mga materyal na bagay na pangarap niya.

Loading…