Doctor Donkey: Mga donkey nakatutulong sa pagpawi ng stress ng frontliners

Imahe mula sa El Burrito Feliz
  • Isang non-profit organization sa Spain ang naglunsad ng isang proyekto upang matulungan ang mga medical frontliners
  • Tinawag na Doctor Donkey Project ang libreng therapy sessions gamit ang mga donkeys
  • Nare-relax ang mga frontliners kapag kasama ang mga maaamong donkey

Hindi birong stress ang inaabot ng mga medical frontliners sa ginagawang pagsagupa sa COVID-19 kaya naisipan ng isang non-profit organization sa Spain na bigyan sila ng libreng therapy sessions upang mabawasan ang nararamdamang tensyon.

Imahe mula sa El Burrito Feliz

Inilunsad ng grupong “El Burrito Feliz” (The Happy Little Donkey) ang Doctor Donkey project kung saan malaki ang ginagampanang papel ng mga donkey upang ibsan ang stress ng mga medical frontliners.

“It is an idea for mental health. The stress produced by their daily struggle against COVID-19 exhausts them, so here they are strengthened through therapy with these donkeys and a wonderful forest,” sabi ni Luis Bejarano, ang presidente El Burrito Feliz.

Tinatawag na animal-assisted therapy, napatunayan na itong mabuti para sa mga nakararanas ng mga isyung pisikal at pangkaisipan katulad ng pagiging tensyonado, pagkabalisa at depresyon.

Akmang-akma para sa ganitong uri ng therapy ang mga donkey dahil sa pagiging maamo ng mga ito. Sa katunayan, ang 23 donkeys ng El Burrito Feliz ay nakatulong na sa mga batang may problema at mga pasyenteng may Alzheimer’s.

Imahe mula sa El Burrito Feliz

Ayon kay Bejarano, nakuha niya ang ideya sa mula isang aklat tungkol sa therapeutic forests ng Japan kung saan ang mga pasyente ay nagpapalipas ng oras sa gitna ng mga puno sa kagubatan para gumaan ang pakiramdam.

Aniya, naisip niya na ngayong may COVID-19 pandemic ay maaari din ang ganitong uri ng therapy para sa mga medical frontliners.

Ang Doctor Donkey project ay nakatakda sanang matapos sa Nobyembre, subalit minabuti ni Bejarano na palawagin pa ito dahil sa patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa Spain.

Sabi niya, “It might go on for years. Let’s hope not but if that’s what’s coming, we must accept it.”

Imahe mula sa El Burrito Feliz

Loading…