DOH walang cold storage na pag-iimbakan sakaling dumating ang mga COVID-19 vaccines

Imahe mula sa Pixabay
  • Napag-alaman ni Sen. Francis Tolentino na walang alokasyon ang DOH para sa cold storage na pag-iimbakan ng bibilhing COVID-19 vaccine
  • Iminungkahi ni Sen. Tolentino na makipag-ugnayan ang DOH sa mga local ice cream manufacturers upang magamit ang mga cold storage ng mga ito para sa COVID-19 vaccines
  • Sa ngayon, ang vaccine storage facility ng RITM ang ginagamit ng DOH

Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa mga local ice cream manufacturers hinggil sa paggamit ng mga cold storage ng mga ito para sa libo-libong dosage ng COVID-19 vaccine na inaasahang bibilhin ng pamahalaan sa 2nd quarter ng 2021.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Francis Tolentino

Ang suhestiyon ni Sen. Tolentino ay ginawa niya noong Biyernes, October 9, sa ginawang budget deliberations para sa proposed P131.72-billion budget ng DOH at mga attached agencies.

Nagulat umano ang senador sa isiniwalat ni Health Secretary Francisco Duque III na walang alokasyon para pondohan ang cold storage para sa COVID-19 vaccines.

“Why don’t you at this earliest stage, touch base–Magnolia Ice Cream, Selecta Ice Cream. Call all ice cream manufacturers to utilize their ice cream cold storage facilities. Kung hindi, dadagsa po ‘yong ero-eroplanong bakuna na walang paglalagyan at masisira lamang,” sabi ni Sen. Tolentino kay Sec. Duque.

Iginiit ng senador na kailangan ang proper storage upang hindi masira ang mga bakuna at hindi masayang ang pondo ng pamahalaan.

Aniya, kailangan ang mga specialized freezers na may -82oC temperature para ma-preserve ang mga vaccines na dadalhin sa mga probinsya, lalo na’t mainit ang klima sa bansa.

Imahe mula sa Magnolia Ice Cream

Binanggit din ni Sen. Tolentino na nagbigay ng advisory sa kanilang mga potensyal na kliyente ang American pharmaceutical firm na Johnson & Johnson na kailangan ng vaccine na na-develop nila ang -10oC freezer – isang cold storage na wala ang DOH sa ngayon.

Sa kasalukuyan, ginagamit ng DOH ang vaccine storage facility ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na matatagpuan sa Muntinlupa City sa Metro Manila.

RITM vaccine storage facility/Imahe mula sa RITM

Loading…