Duterte ipinagtanggol si Sec. Villar; kurapsyon sa DPWH nasa ‘baba’ ang problema

Imahe mula sa Facebook
  • Ipinagtanggol ni Duterte si Villar sa gitna ng malawakang kurapsyon sa DPWH
  • Mayaman na umano ang kalihim kaya wala nang dahilan para ‘mangurakot pa ito
  • Bumuo na rin ng task force si Villar para imbestigahan ang katiwalian sa kaniyang departamento

Muling iginiit ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang tiwala kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa kabila ng malawakang kurpasyon umano sa ahensiyang pinamumunuan nito.

Para kay Duterte, wala nang dahilan para msangkot pa sa kurapsyon ang kalihim dahil napakayaman na ng pamilya nito. Si Villar ay ang panganay na anak nina Senador Cynthia Villar at dating Senate President Manny Villar na itiunuturing ngayong pinakamayamang Pilipino sa bansa.

Imahe mula sa PCOO

“Si Villar mayaman na ‘yan. Si Sec. Villar maraming pera hindi na kailangang mangurakot,” ani Duterte sa isang recorded na talumpati.

Ayon sa Pangulo, ang problema ay wala sa kalihim kung hindi sa mga tao nito sa ibaba.

“Ang problema sa baba malakas pa rin hanggang ngayon. ‘Yung mga projects sa baba ‘yun ang laro diyan,” dagdag ng presidente.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malakanyang na buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Duterte kahit pa inamin ng huli na tuloy pa rin laganap na katiwalian sa DPWH.

“Full trust and confidence po (si Presidente) kay Secretary Villar dahil despite the corruption in DPWH, naka-deliver po si Secretary Villar,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Mark Villar

Inamin rin ng presidente na maraming contractor ang nanunuhol at walang proyekto umano ang nauumpisahan nang walang ganitong transaksiyon.

“Dito sa DPWH malakas ‘yan diyan. Projects, ‘yung mga project engineers, iyan, iyan lahat, road right-of-way, grabe ang corruption diyan,” ani Duterte.

Kaugnay nito, sinabi ni Sec. Villar nitong Lunes na bumuo na siya ng task force para imbestigahan ang mga anomalya sa DPWH. Sa pamamagitan ng isang department order (DO), binuo ang Task Force Against Graft and Corruption (TAG) na pangungunahan ng limang opisyal at may layung isailalim sa imbestigasyon ang kapwa nila empleyado at mga executives ng departamento.

Loading…