
- Pansamantalang itinigil ang oper
asyon ng Fabella hospital matapos magpositibo ang 7 doktor nito - Walang katiyakan kung kailan muling magbubukas ang pampublikong maternity ho
spital - Tiniyak ng Fabella na patuloy nitong seserbisyuhan ang mga pasyenteng kasalukuyang naka-admit doon
Pansamantalang itinigil ang operasyon ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, isang malaking pampublikong maternity hospital na matatagpuan sa Sta. Cruz, Maynila, matapos magpositibo sa COVID-19 ang pito nitong doktor.

Ang pansamantalang tigil-operasyon ng paanakan ay nagsimula noong Biyernes, October 23. Wala pang katiyakan kung kailan ito muling magbubukas. Dahil dito, pinayuhan ng pamunuan ng Fabella ang publiko na sa ibang pagamutan na lang muna dalhin ang mga manganganak.
Ayon sa tagapagsalita ng Fabella na si Dr. Diana Rose Cajipe na ang admission, laboratory at outpatient services nila ay suspendido upang bigyang-daan ang gagawing disinfection sa pasilidad.
“Ang mga services na hindi muna natin kayang i-offer sa ating mga pasyente katulad po ng laboratory, ultrasound, x-ray pati po ‘yung mga magdo-donate ng dugo stop po muna tayo,” ani Dr. Cajipe.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng contact tracing para matunton ang mga nakasalamuha ng mga doktor at nurse na COVID-19 positive. Isasailaim din sa COVID-19 test ang nasa 1,500 health workers at empleyado ng paanakan.
Para sa mga manganganak na galing pa sa ibang rehiyon at dumarayo sa Fabella para sa libreng serbisyo nito, isang pahirap ang suspensyon ng operasyon ng pagamutan.

“Kailangan public. Wala pong pera…baka ma-ceasarian po ako. Babalik na lang po kami,” ayon sa isang expectant mother na dumayo sa Fabella para magsilang.
Ayon kay Dr. Cajipa, sa Lunes, October 26, pa inaasahang matatapos ang swab testing sa lahat ng kanilang empleyado. Sakaling wala nang magpositibo ay itutuloy na ang operasyon nila, subalit kung may ilan pang magpositibo ay muli raw silang magpupulong upang makagawa ng mga pagpapasya batay sa rekomendasyon ng infection control committee.
Tiniyak ng Fabella na patuloy nitong seserbisyuhan ang mga pasyenteng kasalukuyang naka-admit doon.
