“Game KNB?” magbabalik na; Robi Domingo bagong host na bibida

  • Magbabalik na ang “Game KNB?”
  • Si Robi Domingo ang bagong host nito
  • Sina Kris Aquino at Edu Manzano ang mga naunang hosts nito

Muling magbabalik ang isa sa mga pinakamatatagumpay na game show ng ABS-CBN na “Pilipinas, Game KNB?” na iho-host ni Robi Domingo. Tatawagin na lamang itong “Game KNB?”

Ang Pilipinas Game KNB ay classic game show ng Kapamilya Network na nauna nang pinadaloy nina Kris Aquino at Edu Manzano sa magkakaibang format. Pinasikat nito ang katanungang “Sure ka na ba?” noong panahon ni Kris at “Kamay sa Dibdib” sa panahon naman ni Edu. Sumikat din dito ang pagsayaw ng “Papaya Dance.”

Imahe mula sa Instagram account ni Robi Domingo / Public Domain Image

Makikita sa Instagram post ni Robi ang kaniyang kasiyahan sa panibagong hosting project na gagawin niya, matapos ang matagal na break dahil sa community quarantines na dulot ng pandemya, at pagsubok na kinaharap ng home netowrk niya kaugnay ng franchise renewal. Si Robi ang isa sa mga artistang nagtanggol at nagpahayag ng pagsuporta sa Kapamilya Network sa kasagsagan ng mga pagdinig ng kaso nito sa Kamara.

“I have been a big fan of the show, and in 2008, naging contestant din ako,” saad ni Robi. Naunang sumikat ang naturang game show sa Primetime Bida ng ABS-CBN, sa kasagsagan ng pagsulpot at pagsikat ng mga game shows tulad ng “Who Wants To Be A Millionnaire” at “The Weakest Link.”

Pag-amin ni Robi, matagal na raw niyang pinangarap ito, kaya labis ang kaniyang pasasalamat sa mga bosses ng ABS-CBN sa pagpili sa kaniyang maging bagong host sa pagbabalik ng game show.

Ibang-iba raw ang format nito sa mga naunang version. Mas malawak daw ang paggamit dito ng internet, kaya tiyak na kahit sino raw ay magiging contestant.

Imahe mula sa Instagram account ni Robi Domingo / Public Domain Image

Ang 2020 “Game KNB?” ay mapapanood sa Jeepney TV, isa sa mga cable channel ng ABS-CBN, at sa livestreaming app na Kumu, na magsisimula na sa Oktubre 12, 2020.

Tara na’t mag-throwback!

Loading…