Globe subscribers hinihikayat na mag-upgrade na sa 4G/5G sim cards; 3G sim ‘di na mabibili

Imahe mula sa Lazada
  • Hinihikayat ng Globe ang kanilang subscribers na mag-upgrade na sa 4G o 5G sim cards
  • Tinanggal na rin sa mga stores ang lumang 3G sim cards na ibinebenta
  • Ito ay para umano sa mas mabilis na internet connection

Hinikayat ng Globe Telecom ang mga subscribers nito na palitan na ang kanilang mga lumang 3G sim card ng mga 4G o 5G para sa mas mabilis na internet connection.

Kasabay nito, tinanggal na rin ang mga ibinebentang 3G sim cards sa mga distribution chains ng Ayala telco.

Napag-iiwanan na kasi ang 3G sim card ng mas mabilis na 4G LTE (long term evolution) pagdating sa bilis ng internet. Bukod dito, unti-unti na rin ang ginagawang upgrade ng mga mobile internet providers dahil sa pagdating ng higit na mabilis pang 5G technology.

Imahe mula sa Hardware Zone

“We urge our customers to switch to 4G LTE/5G-ready SIMs to be able to maximize Globe’s network upgrades and optimization. Our Stores and partner retailers are ready to make this switch easy, convenient and safe for our customers,” ani Globe Executive Vice President for Channel Management Bernie Llamzon.

Halos dalawang dekada na ang nakalipas simula nang palitan ng 3G ang lumang 2.5G technology. Kinalaunan ay pinalitan din ito ng 4G technology.

Marami na umanong telecom companies sa iba’t-ibang panig ng mundo ang hindi na nag-aalok ngayon ng 3G technology habang ang iba ay proseso na rin para gawin ito.

Sa Pilipinas naman ay marami pa rin ang gumagamit ng 3G sim cards at ang ilan sa kanila ay hindi ito alam.

Imahe mula sa Facebook

Para ma-check kung 3G ang iyong sim card, para sa mga Globe subscribers ay maaaring mag-text ng SIM CHECK sa 8080.

Kapag na-verify na kung anong sim card ang gamit, maaaring mag-set ng online appointment sa http://glbe.co/abs-queue o kaya ay gumamit ng GlobeOne app bago pumunta sa mga Globe store para magpapalit ng sim card.

Para sa mga Globe postpaid subscribers, hindi na kailangang bumisita pa sa mga Globe store at sa halip ay gamitin na lamang ang GlobeOne app para magpapalit ng sim card. Idideliver na lamang sa kanilang mga tirahan ang bagong sim card, ayon sa Globe.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang ang website ng Globe sa globe.ph.com. 

Loading…