Grupo ng mga teacher humihirit ng internet load allowance

For illustrative purposes only| Imahe mula sa DepEd-Facebook
  • Humirit ang grupo ng mga guro ng internet load allowance mula sa DepEd
  • Ito ay para makabawas man lamang sa gastusin nila araw-araw para sa online learning
  • Wala naman daw opisyal na kautusang inilalabas ang DepEd tungkol sa paggamit ng communication allowance ng mga eskuwelahan

Humirit ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepED0 na bigyan sila ng internet load allowance para makabawas sa kanilang gastusin ngayong online class.

Pakiusap ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basilio, sana ay mapagbigyan ng DepEd ang kanilang kahilingan lalo pa’t dagdag gastusin din umano sa kanilang pang-araw-araw ang kanilang ginagamit para sa distance learning na ipinatutupad ngayon.

“Kaya nga sinusulong natin na magkaroon ng Internet allowance ang ating mga teachers para ma-offset itong gastusin ng kanilang naidadagdag sa kanilang pang araw araw na gastusin,” ayon kay Basilio sa panayam ng DZMM Teleradyo.

Imahe mula sa ACT-Facebook

Bagama’t dati nang sinabi ng DepEd na maaaring gamitin ng mga eskuwelahan ang kanilang communication allowance para sa internet ng mga guro, wala naman daw inilalabas ang ahensiya na pormal na kautusan tungkold dito.

Maliban dito, hindi naman daw lahat ng mga paaralan ay may nakalaang malaking communication allowance na maaaring gamitin.

“Paano yung malilit na eskwelahan na walang pondo na maaaring i-divert para dito? Kaya kailangan po magkaroon ng malinaw na polisiya,” giit pa ni Basilio.

Imahe mula sa DepEd-Facebook

Isa umano ito sa mga problemang naranasan ng mga teachers nitong Lunes; ang unang araw ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong eskuwelahan. Karamihan daw sa mga kasamahan nila ay nahirapang maghanap ng internet connection para lamang makapagturo.

“Kahapon, nagulat tayo na sa NCR mismo, ang daming mga bata na di makapasok sa kanilang mga online classrooms, ang daming mga teachers din na hirap humanap ng connection sa kanilang online classrooms,” bahagi pa ni Basilio.

Wala pang opisyal na kasagutan ang DepEd sa kahilingan ng ACT. Dati nang umapela ang grupo sa DepEd na maglaan ng P15-B para sa internet allowance ng mga teachers o P1,500 kada buwan sa buong taon ng pagpapatupad ng online learning.

Loading…