Halos 3,000 Chinese pinalalayas na ng ‘Pinas dahil sa problema sa visa – Immigration

  • Umabot sa mahigit 2,700 Chinese nationals ang pinaaalis na ng bansa dahil sa problema sa visa
  • Karamihan sa kanila ay ‘overstaying’ na matapos mapaso ang visa, ayon sa Immigration
  • Kamakailan lamang ay nabulgar na pinapayagang maging ‘retirees’ sa bansa ang mga Chinese na edad 35 pa lamang

Halos tatlong libong Chinese nationals ang pinaaalis na sa bansa dahil sa problema ng kanilang visa, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Martes, ika-27 ng Oktubre.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, umabot sa 2,736 na Chinese ang kanilang inabisuhang umalis sa Pilipinas na karamihan ay hindi nakalipad sa takdang panahon matapos mapaso ang kanilang visa.

Ang mga ito ay yaong nakakuha ng visa upon arrival (VUA) simula noong Enero hanggang nitong Oktubre.

“More than half of those who were ordered to leave were blacklisted from our country,” ani Morente sa isang pahayag.

Sa ilalim ng programang VUA, ang mga nakakuha ng visa ay hindi maaaring manatili sa bansa nang higit sa 30 araw.

“While some were unable to leave due to circumstance, following the cancellation of many flights due to the pandemic, those who stayed without sufficient basis were included in our blacklist,” ayon sa BI opisyal.

Ang VUA ay inilunsad ng BI at Department of Justice (DOJ) noong 2017 para makaakit ng mas maraming turistang Chinese. Maaaring manatili at mamasyal sa bansa ang mga Chinese na may VUA sa loob ng 30 araw na hindi na kailangang mag-apply sa consulate offices ng bansa.

Imahe mula sa Nikkei Asian Review

Maaari nila itong ipadaan sa mga tour operators na accredited ng Department of Tourism (DOT).

“VUA arrivals account for only around 5% of total Chinese arrivals in the country. Most of those who arrived already secured their entry visas from our foreign posts abroad,” paliwanag ni Morente.

Kamakailan lamang ay nabulgar na pinapayagan ng Philippine Retirement Authority (PRA) ang mga Chinese na edad 35 pa lamang bilang ‘retirees’ umano sa Pilipinas.

Nabahala ang mga senador dito dahil maaaring ginagamit lamang ang sistema upang makapagtrabaho sila sa mga POGOs.

Loading…