Harry Roque ‘namasyal’ sa Bohol para i-promote ang ‘tourism bubble’

Imahe mula sa Facebook- Sec. Harry Roque
  • Namasyal si Roque sa Bohol upang hikayatin ang publiko sa nalalapit na pagbubukas nito sa turismo
  • Nakatakdang magbukas sa turista ang isla ng Bohol simula sa Nobyembre 15
  • Ibinahagi ni Roque ang kaniyang video habang siya ay nasa Bohol

Ilang araw bago magbukas muli sa turismo, pinasyalan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang Bohol island upang hikayatin ang publiko na bisitahin rin ito sa mga darating na araw.

Dumating sa Bohol Panglao International Airport sa bayan ng Panglao si Roque dakong alas-nuwebe ng umaga noong Miyerkules sakay ng isang private jet. Kasama niya sa naturang biyahe si Presidential Communications Assistant Secretary Rachel Queenie Rodulfo at ilang staff ng PTV-4.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

Dumaan sa health protocol ang tagapagsalita ng Palasyo at nagnegatibo rin siya PCR test.

Kabilang umano sa binisita ng kalihim ay ang resort Panglao, ang Chocolate Hills sa Carmen, ang Loboc River sa Loboc at ang Santa Monica Church sa Alburquerque, at marami pang iba.

Doon din ginanap ang kaniyang press briefing nitong Huwebes kung saan nakasama niya si Governor Arthur Yap.

“Napakaganda po ng Bohol. Kahapon po ay shinoot namin iyong ating video para sa Bohol, nanggaling kami sa Chocolate Hills, doon sa Loboc River. Alam ninyo, mayroon na silang bagong, kumbaga, iyong kakainan sa tanghalian ‘no, bagung-bago, ethnic ang itsura ‘no. At nandiyan pa rin po ang Tarsier natin. So napakaganda po ng Bohol,” ani Roque sa kaniyang virtual presser.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

Ang Bohol ay nakatakdang muling tumanggap ng mga turista simula sa ika-15 ng Nobyembre.

Ayon kay Gov. Yap, kailangan ang 72-hour negative reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) COVID-19 test result bago makapasok ng probinsiya ang mga nagpaplanong mamasyal doon.

Ang mga turista ay maaaring mag-register at kunin ang kanilang QR codes sa pamamagitan ng tourism.bohol.gov.ph.

Dumalaw din si Roque sa isla ng Boracay sa pagsisimula nitong buwan ng Oktubre upang hikayatin ang mga turista na pasyalan ang islang kilala sa buong mundo dahil sa kagandahan nito.

Samantala, panoorin ang video ni Sec. Roque sa Bohol:

Loading…