Ilang establisimiyento iimbestigahan ng NPC; contact tracing data ginamit umano sa ibang layunin

Imahe mula sa Newstalk
  • Sisiyasatin ng National Privacy Commission ang ilang negosyo na lumabag sa Data Privacy Act
  • Sa ngayon, mayroon na umanong 11 establisimyento ang kanilang hihingan ng paliwanag
  • Nakarating daw kasi sa NPC na ginagamit ng ilang negosyo ang contact tracing data sa ibang layunin

Nahaharap ngayon sa imbestigasyon ng National Privacy Commission (NPC) ang ilang establisimyento dahil umano sa paggamit nito ng nakalap na contact tracing data mula sa mga kustomer para sa ibang layunin.

Sa panayam ng TeleRadyo kay NPC Commissioner Raymund Liboro, 11 establisimyento na ang kanilang pagpapaliwanagin tungkol dito.

Screenshot mula sa NPC Facebook

“Ang aming initial [report] po, labing-isang establishments at sila po ay tinatawag po namin,” ani Liboro.  “Ipatatawag ho namin at [hihingan] sila ng paliwanag at ma-remind sila dito sa kanilang obligasyon to secure personal data.”

Ayon pa kay Liboro, ang ibang establisimyento ay ginagamit ang nakalap na contact tracing data para sa kanilang marketing.

Imahe mula sa NPC Facebook

“May mga reports na nagagamit yung data nila for other purposes, for marketing, ay yan naman po ay unauthorized purpose,” wika ng opisyal.

Sa kanilang website, pinaalalahanan din ng ahensiya ang mga negosyo na huwag hayaang nakatiwangwang ang kanilang mga logbook at iba pang forms na ginagamit sa contact tracing dahil maaari umano itong makuha ng mga mapagsamantala at gamitin sa kanilang personal na layunin.

Mahalaga raw na ingatan ng mga negosyo ang impormasyon ng kanilang kliyente upang mabuo ang tiwala ng mga tao sa kanila.

Imahe mula sa NPC Facebook

“Building trust is possible if we have cleared citizens’ doubts over potential misuse and abuse of their data. Kapag maingat sa datos ng mga tao, aangat ang negosyo,” wika pa ni Liboro.

Ang sinumang mapatutunayang lumabag sa Data Privacy Act (DPA) ay maaaring mapatawan ng parusang pagkakakulong ng hanggang anim na taon at multa na nagkakahalaga ng hanggang P5 milyon.

Loading…