Isa ka rin bang mag-aaral na “abanger” sa suspensyon ng klase dahil sa pag-ulan noong “Dating Normal?”

  • Marami sa mga mag-aaral ang nami-miss na ang “suspensyon ng mga klase”
  • Ito kasi ang inaabangan nila noong “Dating Normal”
  • Ngayon kasing distance/blended learning na, posible pa ba ito?

Hindi na nga napigilan at naawat ng COVID-19 pandemic ang pagsisimula ng mga klase sa pamamagitan ng distance/blended learning na may iba’t ibang paraan: pagdalo sa mga online class, pagsagot sa mga self-learning modules, o panonood sa DepEd TV na inihahatid ng mga teacher-broadcasters.

Kaya naman kung may nami-miss ang mga mag-aaral lalo na sa mga panahong maulan o masama ang panahon, ay ang suspensyon ng mga klase, na madalas ay hamon naman noon sa “Dating Normal.”

Public Domain Image

Kagaya na lamang ni Lito, isang mag-aaral sa Baitang 10 sa pampublikong paaralan, na pinili ang online class para sa pagkatuto. Aniya, noon daw, ang inaabangan ng mga mag-aaral na gaya niya kapag umuulan o may sama ng panahon, ay ang pagsususpinde ng mga klase, mula sa anunsyo ng mga city mayor.

“Dati, talagang nakaabang na kaming magkakaklase sa news, saka maingay na ang mga group chats namin. Nakaabang na rin kami sa mga official social media accounts ng local government, kasi para updated kami sa announcement. Nakaka-miss pala ang mga ganoon,” sabi niya.

Iyan din ang sabi ni Teena, isang incoming Second Year sa kolehiyo. Mukhang nami-miss din daw niya ang pagbaha sa harapan ng kanilang pamantasan sa Maynila, na tipong kaunting ulan lamang ay bumabaha na.

“Dati, inis na inis ako kapag pumapasok tapos umuulan sa hapon, kasi for sure babaha na naman at mababasa ang sapatos kong nag-iisa lang. Pero ngayon, parang nakaka-miss din yung mga ganoong eksena. Mukhang matatagalan pa bago namin ulit maranasan iyon,” aniya.

Iyan din naman ang na-miss ng organisasyong “EarthShakerPH” sa Twitter na naghahatid ng iba’t ibang anunsyo ng suspensyon ng mga klase at iba pang kalamidad.

Public Domain Image

Ang tanong: Maaari nga bang masuspinde ang online classes kapag masama ang panahon o may bagyo?

Ayon sa Department of Education, maaari naman, depende sa sitwasyon ng isang lugar o pook.

“Since normally, ang suspension marami kapag maulan wala ng pasok…. Personally, ang tingin ko dapat walang pasok sa araw ng bagyo pero hindi siya kasinhaba nang dati. Pero ‘yung atin na class suspension on the account of heavy rain, hindi na siya mangyayari,” paliwanag noon ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio sa isinagawang virtual press briefing noong Setyembre 14, 2020.

Dagdag pa niya, posible umano ang suspensyon kapag may black out o nawalan ng suplay ng kuryente dulot ng malakas na pag-ulan.

Sabi naman ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonathan Malaya noong Setyembre 15, 2020, maaari naman daw ang suspensyon ng mga online class batay sa rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan, batay na rin sa mga internet service providers.

“In case of online classes or tinatawag na blended learning, ‘pag may bagyo, posibleng kailangan ihanda ng mga pamilya ang kanilang bahay… apektado sila by blackouts or by intermittent signal ng mga internet service provider,” aniya.

Public Domain Image

Ikaw, na-miss mo rin ba ito?

Loading…