Isa sa pinakamalaking T-Rex fossil naibenta sa halagang $31.8-million sa auction

T. rex 'Stan' | Imahe mula sa Science Mag
  • Naibenta ang isa sa pinakamalaking fossil ng T-Rex sa halagang $31.8-M sa isang auction
  • Ito rin ang isa sa pinakakumpletong fossil ng extinct na dinosaur na nadiskubre
  • Nagtala ng world record ang nasabing presyo ng fossil

Umabot sa $31.8-M ang naging halaga ng isa sa pinakamalaki at halos kumpletong fossil ng Tyrannosaurus rex nang maibenta ito sa isang auction sa New York City kamakailan.

Ang fossil ng higanteng extinct dinosaur na tinaguriang ‘Stan’ ay naibenta sa isang unknown bidder sa auction ng Christie’s nitong Martes.

T. rex (Stan)| Imahe mula sa Wikipedia

Ang halaga nito –  $31.8 million – ay halos apat na beses na mas mahal kumpara sa kaparehong specimen na tinawag na ‘Sue’ na naibenta noong 1997 ng Sotheby sa halagang $8.4 million sa  Field Museum of Natural History sa Chicago.

Itinala ng presyo ni Stan (BHI 3033 ang opisyal na pangalan) ang world record para sa naibentang specimen ng T-rex.

Ang fossil ni Stan ay nadiskubre ng isang amateur paleontologist na si Stan Sacrison noong 1987 sa Hell Creek Formation malapit sa bayan ng Buffalo sa South Dakota. Kay Sacrison isinunod ang pangalan ng nabanggit na fossil.

Nagsimula ang bidding sa guide price na $6 – $8 million subalit tumaas ito nang tumaas habang isinasagawa ng bidding hanggang sa umabot sa $27.5 million na siyang naging actual winning bid. Umabot lamang ito sa $31.8 million dahil sa nadagdag na commission at iba pang karagdagang gastos.

Reconstruction ng T. rex ni Charles R. Knight| Imahe mula sa Wikipedia

Tumanggi naman ang Christie’s na ihayag ang pagkakakilanlan ng winning bidder.

Samantala, nagpahayag ng pangamba ang mga paleontologists na ang pagbenta kay Stan ay lalo pang mas makahikayat sa pribadong bilihan ng mga fossils at hindi na mabigyan ng pagkakataon ang mga researchers para pag-aralan ito.

Inaasahang mauuwi na rin sa isang private collection ang nabanggit na fossil at maaaring hindi na muling masilayan pa sa publiko sa mga susunod na taon.

Ang T-rex ay pinaniniwalaang namuhay sa daigdig mga 68 hanggang 66 milyong taon na ang nakararaan.

Loading…