Joshua Garcia balik eskuwela sa gitna ng pandemya: “Never too late to do something new”

Image by Joshua Garcia via Instagram
  • Joshua Garcia nag-enrol sa Southville International School Affiliated with Foreign Universities
  • Ibinahagi pa niya ang kanyang student ID online: “It’s never too late to do something new”
  • Magpapahinga na raw muna siya sa pagiging bahagi ng isang love team

Determinado si Joshua Garcia na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa gitna ng pandemya kaya’t nag-enrol siya sa Southville International School Affiliated with Foreign Universities (SISFU) sa Las Piñas City para sa isang online entrepreneurship program.

Image by Joshua Garcia via Instagram

Inihinto kasi ni Joshua ang kanyang pag-aaral nang pumasok siya bilang housemate sa Pinoy Big Brother: All In na sinundan ng sunud-sunod na mga proyekto lalo na nang i-launch ang love team nila ni Julia Barretto.

Naglabas pa ng patunay ang aktor na nag-aaral siya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng larawan ng kanyang student identification card at sinabing, “It’s never too late to do something new. Use this pandemic time to create or learn new things. You just need courage and perseverance.”

Paalala pa niya, ang procrastination o ang pagpapaliban sa mga gawain ang siyang nagiging hadlang sa tagumpay. Sinabi rin niyang hindi umano “paid promotion” ang kanyang update.

Matatandaang nasabi ng aktor sa kanyang naunang panayam sa PEP noong Pebrero ang plano niyang ipagpatuloy ang pag-aaral kahit na busy siya sa kanyang showbiz career.

“Aminado ako, kulang ako sa knowledge. Dati, gusto ko lang mag-sundalo. Sabi ko, pagkatapos ko ng high school, papasok na ako, pero hindi natuloy. Sa ngayon, wala pa akong alam, pero parang gusto ko na mag-film.”

Image by Joshua Garcia via Instagram

Para magawa ito, magpapahinga na muna siya sa pagiging bahagi ng isang love team.

“Para sa akin, sa sitwasyon ko, huwag na lang muna. I mean, puwede akong mag-love team, pero mas marami kang katrabaho, mas maganda. Para mas maging bukas ka sa lahat ng opportunity.”

Maging si Julia ay nagbalik na rin sa pag-aaral sa Southville International School and Colleges, sister school ng SISFU.

Image by Julia Barretto via Instagram

Loading…