Kalituhan sa paggamit ng Beep Card sa EDSA Busway dahil sa kawalan ng information drive – VP Robredo

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Sinabi ni VP Robredo na ang kawalan ng information drive ang sanhi ng kalituhan sa paggamit ng Beep Card sa EDSA Busway
  • Hindi dapat ipinatupad ang No Beep Card, No Ride Policy nang wala pang information drive
  • Sinuspinde na ng DOTr ang No Beep Card, No Ride policy

Maraming pasahero ang nagulat sa unang araw ng pagpapatupad ng paggamit ng Beep Card sa EDSA Busway noong October 1. May ilan na hindi nakasakay dahil sa ipinatupad na “No Beep Card, No Ride” policy.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Dismayado ang mga commuters dahil sa mahal na presyo ng Beep Card na nagkakahalaga ng P80, bukod pa ito sa initial load ng card P100 na magagamit bilang pamasahe. Ayon sa mga pasahero, hindi nila alam ang tungkol sa bagong policy.

Ang nangyaring kalituhan ay dahil sa kawalan ng information drive na dapat ay isinagawa ng Department of Transportation bago ipatupad ang polisiya, ayon kay Vice President Leni Robredo.

“Parang iyong ini-interview sa balita, lahat gulat. So bakit ito i-e-enforce nang wala man lang information drive? Para sana nakapag-react na iyong tao bago pa ito ginawa, bago inimplement,” ani VP Robredo.

Nilinaw ng Bise Presidente na suportado niya ang cashless transactions sa mga pampublikong sasakyan bilang pag-iingat sa COVID-19, subalit iginiit niya na dapat ay mayroong information drive na ginawa ang DOTr.

Imahe lmula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

Kasunod ng nangyaring kalituhan ay nagpahayag ang DOTr na sususpindehin ang cashless transaction sa EDSA Busway kapag hindi  ginawang libre ang Beep Card.

Hindi nagustuhan ni VP Robredo ang pahayag na iyon ng ahensya.

“Sa akin, parati natin itong pino-point out, na mag-usap-usap muna kayo. Parati nating sinasabi na mag-usap-usap muna kayo, para hindi kayo nagkokontrahan,” aniya.

Imahe mula sa DOTr

Inihalintulad niya ang pahayag ng DOTr sa nauna nitong pahayag tungkol sa pagbabawas ng physical distancing sa public transportation na ginawang 0.75 meter mula sa 1 meter na rekomendado ng World Health Organization. Kinontra ni Pangulong Rodrigo Duterte ang reduced distancing at ibinalik sa 1 meter.

Samantala, tuluyan nang sinuspinde ng DOTr ang paggamit ng Beep Card sa EDSA Busway simula ngayong Lunes, October 5, dahil hindi pumayag ang AF Payments, Inc, ang service provider ng Beep Card, na ibigay ng libre sa mga pasahero ang beep card.

Ayon sa DOTr, maghahanap na lang ito ng bagong serive provider. Maaari pa namang gamitin ang beep card ng mga pasaherong nakabili na nito.

Screenshot ng statement ng DOTr

 

 

Source :

Philstar, W24News

Loading…