Kinabahan pero nag-enjoy: Mga guro isinakay sa salbabida para makatawid sa malalim na ilog

Screenshot mula sa video ni Teacher Daisy Mae Anthony Paala
  • Mga guro napilitang sumakay ng salbabida para makatawid sa malalim ilog na malakas ang agos
  • Hindi inaasahan ng mga guro na magiging ganoon kalaki ang tubig sa ilog dahil mahina lang naman daw ang ulan
  • Sinundo sila ng ama ng isang co-teacher na nagdala ng salbabida para maitawid silang lahat

Normal na pala kay teacher Daisy Mae Anthony Paala at mga co-teachers sa Bongabong, Oriental Mindoro ang araw-araw na paglalakad nang malayo, pagtawid ng ilog at pag-akyat ng bundok upang marating ang paaralan kung saan sila nagtuturo sa isang komunidad ng mga katutubong Mangyan.

Screenshot mula sa video ni Teacher Daisy Mae Anthony Paala via Facebook

Pero noong nakaraang linggo ay kakaiba ang naranasan nila pag-uwi galing sa paaralan. Hindi sila makatawid sa ilog na araw-araw nilang dinaraanan dahil sa lalim at lakas ng agos nito sanhi ng pag-ulan.

“Normal na po sa amin sa araw-araw na pasok ang tumatawid ng ilog, maglakad nang malayo at umakyat ng bundok. Pero naiiba ngayong araw at napakalaki ng ilog at napakalakas ng agos,” post ni teacher Daisy Mae sa Facebook noong October 8.

Dahil mahina  lang naman ang ulan, hindi raw nila inaasahan na magiging ganoon kalalim at kalakas ang agos ng ilog. Napansin na lang ng isa sa kanila na napakalapad na ng ilog.

“Buti na lang din mula sa itaas ay natanaw mo na sobrang lapad na ng ilog. Lagay-loob tayo na mababa lang ang ilog sa pag-uwi natin kasi ang hina naman ng ulan,” sabi ni teacher Daisy Mae sa co-teacher niyang si teacher Russel Balontong.

Sinundo sila ng ama ni teacher Russel – si Mang Noli Balontong – at may dala itong isang malaking salbabida para ligtas silang maitawid sa ilog.

Screenshot mula sa video ni Teacher Daisy Mae Anthony Paala via Facebook

Makikita sa video na ipinost ni teacher Daisy Mae ang malakas na agos ng ilog habang nakasakay sila sa salbabida, na tinatawag nilang timbulan .

Si Mang Noli, na lumusong sa ilog na lampas-dibdib niya ang lalim, ang umaalalay sa timbulan upang hindi iyon mawala sa balanse. Paano kang hindi mapapahanga sa ganitong klase ng ama? Salute, Mang Noli!

Laking pasasalamat ng mga guro kay Mang Noli na sabi nila ay naging instrumento ni Lord para ligtas silang maitawid sa ilog at makauwi.

Medyo may kaba mang naramdaman, tila nag-enjoy naman ang mga guro sa bagong karanasan.

I-CLICK ang imahe para sa video ni Teacher Daisy Mae Anthony Paala via Facebook

Maririnig sa video ang mga tinig nila na nagtatawanan pa habang napa-Oh my God naman ang isa sa nerbiyos.

“Kaway…yoohoo. Kaway kaway,” maririnig na sigaw ng mga guro na nauna nang naitawid sa ilog.

Source :

Facebook

Loading…