Komento ng Governor ng Cagayan hinggil sa mga guro umani ng iba’t ibang reaksyon

  • Batikos ang inabot ng Governor ng Cagayan matapos ang kaniyang komento hinggil sa mga guro
  • Siya si Governor Manuel Mamba na kinapanayam ng DZRH
  • Aniya, sumusuweldo raw ang mga guro kahit walang ginagawa

Sumaktong sa pagbubukas ng mga klase sa Oktubre 5, 2020 ang panghuling araw ng paggunita sa “World Teachers’ Day” kung saan binibigyang-pugay ang mga pagsasakripisyo ng mga dakilang guro para lamang matuto ang mga mag-aaral, na ayon nga kay Dr. Jose Rizal ay mga “pag-asa ng bayan.”

Lalo pang nadagdagan ang hamon sa mga guro ngayon dahil sa naidulot ng pandemya; upang maipagpatuloy pa ang pagtuturo at pagkatuto, nagkaroon ng panibagong normal sa pagsasagawa nito. Ito ang tinatawag na “distance/blended learning.” Maaaring sa pamamagitan ng online class, paggamit ng module, o panonood sa DepEd TV sa pamamagitan ng paghahatid ng mga aralin ng teacher-broadcasters.

Public Domain Image

Kaya naman, hindi nagustuhan ng maraming mga netizens ang mga binitiwang pahayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa radio interview sa kaniya ng DZRH local unit noong Sabado, Oktubre 3, 2020, matapos niyang sabihing nag-eenjoy raw ang mga guro sa pagtanggap ng buong suweldo kahit wala namang ginagawa.

“Well sa tingin ko, nag-eenjoy sila. Nagsusuweldo sila na wala silang ginagawa,” ang ‘masakit’ na pahayag ng gobernador sa panayam ng radio anchor, na sinabayan pa ng pagtawa.

Dagdag pa niya, “Kaya nga dapat huwag na silang magreklamo dahil sa totoo lang po no, I think meron tayong law, matatanggalan naman nang konti, dahil sa totoo lang, marami naman tayong nase-save sa work-from-home. Parang lugi po ‘yung gobyerno e, na nagsusuweldo nang tama. Lahat ng perks naroon and yet hindi nare-reciprocate sa work.”

Labis na nasaktan ang mga guro sa ipinahayag ni Governor Mamba. Sa katunayan, hinikayat ng Teacher’s Dignity Coalition o TDC ang mga guro na i-post sa social media ang mga kuhang larawan ng kanilang mga ginagawa sa araw-araw, gaya ng paghahanda ng mga modules, pamimigay nito, paghahanda ng iba pang mga kagamitang panturo, at marami pang iba.

Public Domain Image

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens:

“Hiyang-hiya naman po kami sa ‘yo Gov. Baka po hindi kayo lumalabas sa lungga ninyo kaya hindi ninyo nakikita ang mga teachers na nagtatrabaho. Baka ho kayo ang hindi nagtatrabaho nang maayos at hindi nare-reciprocate ng suweldong natatanggap,” wika ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Napaka-insensitive naman po ng komento. Hindi po ba ninyo naappreciate ang effort ng mga guro para lang sa mga bata? Hindi ba dapat kayong mga opisyal ang nangunguna sa pag-uplift ng moralidad at spirit ng mga guro?

Wala pang komento o reaksyon ang gobernador hinggil dito. Sa kabilang banda, saludo pa rin tayo sa lahat ng mga gurong patuloy na lumalaban para sa panibagong hamon ng bayan, na mamanahin ng kabataan! Maligayang Buwan ng mga Guro!

Loading…