Kulturang Pinoy: Akto ng pakikisama, kailan nagiging masama?

  • Ang pakikisama ay bahagi ng Sikolohiyang Pilipino
  • Tumutukoy ito sa akto ng  pakikibahagi sa isa o pangkat ng mga tao
  • Ito ay naglalayon na magkaroon ng mabungang pakikipag-ugnayan

“Wala kang pakisama!”

“Makisama ka naman!”

Public Domain Image

Minsan mo na rin bang narinig ang mga pahayag na iyan sa iyong mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kakilala, katrabaho, kasama sa organisasyon, o sa mga taong may kabuluhan sa iyong buhay? Anong naramdaman mo? Kailangan ba talagang makisama sa lahat ng pagkakataon, o ito rin ay “masama?”

Batay sa Sikolohiyang Pilipino, ang “pakikisama” ay bahagi ng kalikasan ng tao, lalo na sa ating mga Pilipino. Ito ay ang akto ng pakikisangkot o pakikibahagi sa isa o pangkat ng mga tao upang magkaroon ng mabungang pakikipag-ugnayan o “harmonious relationship,” lalo’t pareho kayong nakikinabang sa isa’t isa. Sa Ingles, tinatawag din itong “fellowship.” Sa madaling sabi, ang layunin nito ay magkaroon ng pagkakaisa sa kapwa.

Hindi naman ito maitatatwa sa ating mga Pilipino dahil likas sa atin ang pagiging “sociable” o palakaibigan. Kaya nga tayo gustong-gusto ng mga dayuhan dahil sa mainit at maayos na pakikisama natin, anoman ang kalagayan natin sa buhay.

Maraming mukha ang pakikisama. Halimbawa, para sa isang bagong kasal na wala pang naipupundar na sariling bahay, kailangan muna nilang makipisan sa poder ng kanilang mga magulang. Subalit kung tutuusin, ang konsepto ng pag-aasawa sa Pilipinas, kailangan mo nang bumukod upang makapagtaguyod.

Public Domain Image

Katulad na lamang ni Jennie, 19 taong gulang, na maaagang nagdalang-tao, at biglaan ding ikinasal at nagkaroon ng sariling pamilya sa murang edad. Dahil hindi pa sila handa ng kaniyang nobyo na 20 taong gulang naman, kinailangan muna nilang manirahan sa mga magulang nito. Para kay Jennie, nahirapan siya noong una lalo na’t pakiramdam niya, laging may mga matang nakatingin sa kaniya at pinagmamasdan ang kaniyang mga kilos.

“Mahirap din ang makisama sa pamilya ng mister mo, kung hindi mo naman sila gaanong ka-close. Kung may option lang kami ng asawa ko, bubukod na lang kami. Kaya lang, sino naman mag-aalaga sa anak namin? Wala pa kaming pambayad sa yaya dahil pareho pa kaming nag-aaral, at the same time, nagtatrabaho,” aniya.

Upang maipakita ang pakikisama, tinitiyak ni Jennie na tumutulong siya sa mga gawaing-bahay. Inaako na niya ang mga simpleng paghuhugas ng pinggan, paglilinis, at minsan naman ay pagluluto. Nagbibigay rin sila ng panggastos upang hindi siya mailang kung halimbawang magbubukas siya ng refrigerator at kukuha ng pagkain. Ayaw niyang may masabing hindi maganda ang pamilya ng kaniyang mister, lalo pa’t doon sila nakapisan.

Public Domain Image

Para naman kay Carlos, 23 taong gulang, kailangan niyang makisama sa kaniyang mga katrabaho sa opisina na maya’t maya kung gumimik at lumalabas pagkatapos ng office hours, kahit sa totoo lamang, mas gusto niyang umuwi sa bahay upang magpahinga at magtipid na rin.

“Minsan kailangan mong sumakay sa gusto ng mga nakakasama mo araw-araw para hindi pumangit ang tingin nila sa iyo. Kailangan mo rin sila eventually para maging successful sa work,” aniya.

Kaya ang ilang kabataan ay napapariwara dahil kailangan nilang makisama sa mga kaibigan nila, kahit hindi na maganda ang kanilang mga ginagawa.

Paano ba malalaman kung masama na ang pakikisama?

Malalaman mo kung masama na ang pakikisama kung nakikita mo ang sarili mong nasisira na ang buhay mo, o nasisira na ang relasyon o ugnayan mo sa ibang tao. Hindi mo na nagagawa ang mga dapat mong gawin o tapusin. Isa pa, nararamdaman mong hindi mo na kilala ang sarili mo dahil ginagawa mo na lamang ang isang bagay upang makuha ang loob ng iba.

TANDAAN: Walang masama sa pakikisama hangga’t hindi ito nakasasama. Gets?

Ikaw, ano ang kuwento ng pakikisama mo? Nakabuti ba ito o nakasama?

Loading…