Lacson kinuwestiyon ang tila ‘exemptions’ ng ilang opisyal sa corruption probe

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Ping Lacson
  • May agam-agam si Lacson sa mistulang ‘exemptions’ ng ilang opisyal sa corruption investigation
  • Maganda sana daw ang layunin subalit parang may mali sa umpisa pa lamang
  • Ang tinutukoy ng senador ay ang pagtatanggol ng Pangulo kina Sec. Villar at Sec. Duque

May nakikitang mali si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa mistulang exemptions ng ilang opisyal na malapit sa Pangulo sa isasagawang malawakang imbestigasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan para matigil na ang kurapsyon sa pamahalaan.

Ani Lacson, maganda sana ang layunin ng hakbang na ito ng Malakanyang subalit bakit mayroon kaagad exceptions hindi pa man nagsisimula ang imbestigasyon.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

“Maganda ang move. Ang problema lang, at the outset, mag-create ng mega-task force to address all corruption, and in the same announcement, meron agad exceptions,” pahayag ni Lacson sa isang online interview niton Miyerkules.

“Doon pa lang, parang it has already started on the wrong foot,” ayon pa dito.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang mga naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tila nagtatanggol kina DPWH Secretary Mark Villar at DOH Secretary Francisco Duque III.

Screenshot mula sa PCOO video

“That’s most welcome kasi nobody is above the law. Pero bakit exempted dito…parang effectively, without saying it, parang sinasabing huwag n’yo isama si Secretary Duque or Secretary Villar,” wika ng mambabatas.

Naunang dinepensahan ni Duterte si Villar matapos sabihing naniniwala siya na hindi sangkot sa katiwalian sa DPWH ang ‘mayaman na’ at ‘well-educated’ na kalihim. Sinabi rin ng presidente sa isang televised briefing na wala siyang nakikitang dahilan para tanggalin sa puwesto si Duque dahil hindi naman ito bahagi ng PhilHealth.

Bagama’t hindi naman daw niya sinasabing sangkot ang dalawang kalihim sa katiwalian, parang hindi tama na sa simula pa lang ay mayroon nang exempted na opisyal, dagdag pa ni Lacson.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Mark Villar

“I am not trying to say ang dalawa may kinalaman sa corruption, far from that. Pero para magkaroon kaagad at the outset, meron agad na hindi dapat galawin, paano mag-succeed ang effort to curb corruption? Di ba dapat lahat isama?” paliwanag ng senador.

Sa kabila nito, suportado pa rin ng maraming senador ang binuong anti-corruption task force ng Palasyo bagama’t may ilang agam-agam na baka sa huli ay mga taga-oposisyon lang ang masampahan ng kaso at hindi kabilang ang mga kaalyado ng administrasyon.

Loading…