Lahat ng senior executives ng PhilHealth pinag-submit ng courtesy resignation

Imahe mula sa PHilHealth
  • Pinagre-resign ni PhilHealth president Dante Gierran ang lahat ng senior executives ng state health insurer
  • Ang memo ni Gierran ay bahagi ng reorganization process na kanyang isinasagawa
  • Inatasan ni Pangulong Duterte si Gierran na linisin ang mga iregularidad sa PhilHealth bago matapos ang taon

Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na inatasan ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president Dante Gierran ang lahat ng mga senior executives ng state health insurer na magsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng reorganization process.

Imahe mula sa ABS-CBN

Sinabi ni Roque na bagama’t hindi pa niya nakikita ang memorandum na inisyu ni Gierran ay nakumpirma naman niya ito sa mula sa tatlong sources.

“Bagamat hindi ko pa nakikita ‘yang memo, nakatanggap na po ako ng tatlong kumpirmasyon na hinihingi nga po ni president ng PhilHealth ngayon ‘yung courtesy resignation ng lahat ng Salary Grade 26. Kabahagi na po diyan ‘yung mga vice presidents diyan sa PhilHealth,” lahad ni Sec. Roque.

Matatandaang iniluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon si Gierran, na dating namuno sa National Bureau of Investigation, upang linisin ang mga iregularidad sa PhilHealth sa loob ng taong kasalukuyan.

Wala naman daw dapat ikabahala ang mga matitinong PhilHealth officials sa gagawing reorganisasyon ng PhilHealth.

“’Yung mga walang pananagutan, ‘yung mga hindi nangurakot, wala dapat ikatakot dahil alam ko naman po na ‘yung desisyon ni Attorney Gierran kung sino ang mananatili ay ibabase niya sa ebidensiya,” anang tagapagsalita ng Pangulo.

Imahe mula sa PCOO

Naniniwala si Roque na ang ginawa ni Gierran na pagbitiwin sa pwesto ang mga senior executives ang pinakamabilis na paraan para sa gagawing reorganization.

“Attorney Gierran knows that he does not have much time. And that’s why I think it was important for him to request that all the senior executives file their courtesy resignations because that’s the fastest way that he can reorganize,”  aniya.

Ani Roque, tiwala ang Palasyo na may hawak na mga impormasyon si Gierran na magagamit bilang gabay kung kani-kaninong resignation ang tatanggapin.

Imahe mula sa ABS-CBN

 

Loading…