Linear park sa Baseco Baywalk nagbukas na sa publiko

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko
  • Nagbukas na sa publiko ang bagong bihis na linear park sa Baseco Baywalk
  • Nilatagan ito ng bagong-pinturang bricks at nilagyan ng street lamps
  • Nakiusap si Mayor Isko sa mga residente na alagaan at panatilihing malinis ang lugar

Pinasinayaan na ng Lungsod ng Maynila ang bagong gawang linear park sa Baseco Baywalk  sa Tondo, isang lugar kung saan naraming nakatirang informal settlers.

Nitong Martes nang gabi, pinangunahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at VM Honey Lacuna ang pormal na pagbubukas sa publiko ng bagong parke na nilatagan ng bricks at nilagyan ng mga bagong-ayos na street lamps.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko

Sa kaniyang Facebook, sinabi ni Mayor Isko na ang linear park ay ang simpleng alay ng pamahalaang lungsod para sa mga residente ng Baseco.

“Itong proyekto po na ito ay isa lang sa aming kaparaanan upang iparamdam sa inyo na kahit tayo ay mahirap, na kahit tayo ay iskwater, may dignidad sa pagiging mahirap. Ayoko pong mamaliitin tayo dahil lang po tayo ay mahirap,” ani Mayor Isko.

Humingi rin ng kooperasyon ang alkade sa mga taga-Baseco na alagaan at panatitlihing malinis ang lugar.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko

“Isa lamang po ang aking hiling sa inyo, mga minamahal kong mga taga-Baseco: panatiliin niyo po ang kalinisan dito sa lahat ng oras. Huwag niyo po itong dumihan dahil yan ay repleksyon ng pagkatao natin,” pakiusap ng alkalde.

“Tayo ang nagdadala ng karakter ng ating komunidad, nasa kamay natin,” ayon pa dito.

Kaugnay nito, binalaan din Mayor Isko ang mga masasamang loob na namumugad sa lugar lalo pa’t kabubukas lang din ng bagong himpilan ng pulis doon.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko

“Umalis kayo dito, uubusin ko. May panahon pa ng pagbabago, magbago na kayo. Tumira kayo dito, maayos, mapayapa, hindi kayo nang-aapi ng kapwa mahirap, welcome kayo dito,” paalala ng opisyal.

Ang proyekto ay pinagunahan nina  Engr. Armand Andres at Engr. Randy Sadac ng Manila City Hall na kapwa pinasalamatan ni Mayor Isko sa kaniyang talumpati.

Loading…