Lorenzana kakausapin si Parlade dahil sa ‘lumalaking brouhaha’ kaugnay sa ‘red-tagging’ kay Liza

Imahe mula sa Facebook
  • Kakausapin umano ni Defense chief Lorenzana si Parlade hinggil sa ‘red-tagging’ kay Liza Soberano
  • Pinayuhan din ni Lorenzana ang mga opisyal na maging maingat sa pag-aakusa kaninuman
  • Dapat raw ay may sapat na ebidensiya at kung wala ay manahimik na lamang

Nakatakdang kausapin ni Defense chief Delfin Lorenzana si AFP Lt. Gen. at Southern Luzon Command (Solcom) chief Antonio Parlade Jr. kaugnay sa kontrobersiyal na pahayag ng huli tungkol sa aktres na si Liza Soberano at 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, sinabi ni Lorenzana na nais niyang makausap ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para malaman ang susunod na hakbang dahil sa lumalaking isyu umano ng red-tagging na ibinabato kay Parlade.

Imahe mula sa PNA

“I am convening a meeting with these people, si General Parlade, si General Esperon saka member ng ELCAC,” ani Lorenzana. “Kasi ang vice chair ng ELCAC, si Secretary Esperon eh, member lang ako doon.”

“Because of this brouhaha na lumalaki, I think we should talk kung ano ba talaga ang magandang gawin,” ayon pa sa kalihim.

Para kay Lorenzana, dapat ay maging maingat ang sinuman sa pag-aakusa lalo pa’t wala namang ebidensiya. Hindi rin umano maganda na pupunta pa sa Facebook o media para maglabas ng mga katulad na alegasyon kung wala namang pruweba.

Lt. Gen. Parlade| Imahe mula sa CNN PH

“Dapat may ebidensya tayo bago mo sabihin na leftist ‘yan, NPA ‘yan. Dapat may ebidensya tayo, otherwise, just keep quiet,” ani Lorenzana.

Magugunitang sa Facebook ibinahagi ni Parlade ang kaniyang pahayag na mistulang nagbibigay babala kay Soberano dahil sa pagsalita ng huli sa isang online forum ng Gabriela Youth. Idinamay rin ni Parlade si Catriona Gray sa kaniyang kontrobersiyal na pahayag.

“Liza Soberano, there’s still a chance to abdicate that group. If you don’t, you will suffer the same fate as Josephine Anne Lapira, alias ‘Ella’,” ani Parlade sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Star Cinema

Umani naman ito ng batikos mula sa publiko dahil lumalabas na tila nire-red tag ng heneral ang Kapamilya aktres.

Iginiit naman ni Parlade na wala siyang masamang balak laban kay Soberano o sa iba pang kababaihan at wala rin umano siyang dapat ihingi ng paumanhin sa mga ito.

Loading…