“Mabuting balita, mukhang matatapos na ang pandemya” – Palasyo

Image by Harry Roque via Facebook
  • Naging positibo ang Palasyo na malapit nang matapos ang coronavirus pandemic
  • Posible kasing simulan na ang clinical trials ng COVID vaccine sa bansa sa mga darating na araw
  • Mayroon umanong 3 kumpanya na nagpahayag ng interes para magsagawa ng trials ng bakuna

Naging positibo ang Malakanyang tungkol sa posibilidad na maaaring matapos na ang coronavirus pandemic dahil sa nalalapit na pagsagawa ng clinical trials ng bakuna laban sa COVID-19 dito sa bansa.

Sa isinagawang online press briefing nitong Lunes, ibinahagi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mayroon nang tatlong kumpanya na nagpaaabot ng interes para magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas.

Imahe mula sa PCOO

“Now, mabuting balita po: Mukhang matatapos na po ang ating pandemya dahil sang-ayon po sa Department of Science and Technology, mayroong tatlong players na nagsumite ng requirements sa Food and Drug Administration para ipaalam na interesado silang gumawa ng clinical trials sa Pilipinas,” bahagi ni Roque.

“Ito po ang Gamaleya Research Institute of Russia, Janssen at Sinovac,” ayon sa tagapagasalita ng Palasyo.

Noong isang linggo, inihayag ni DOST Secretary Fortunato de la Peña na nakikipagtulungan na sila sa World Health Organization (WHO) upang magsagawa ng Solidarity Trials para sa COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas.

Imahe mula sa The Straits Times

Sinabi ni De la Peña na maaaring magsimula na ang clinical trials sa mga susunod na linggo at titiyakin umano nila ang kaligtasan at bisa ng nasabing bakuna.

Samantala, ibinahagi rin ni Roque na malapit na ring makumpleto ang phase 3 trials ng isang Chinese company na gumagawa rin ng bakuna.

“Isa pa pong magandang balita: Kaugnay sa balitang ito, inulat po ng New Yorker na ang China National Biotech Group o CNBG, ang pinakamalaking vaccine manufacturer sa Tsina, ay nasa huling bahagi na ng kanilang phase 3 trials, at marami na raw pong mga mamamayan sa Tsina ang nabakunahan na,” ayon kay Roque.

Imahe mula sa DOH

Sa pinakahuling ulat ng DOH nitong Lunes, October 12, pumalo na sa 342,816 ang bilang ng kaso ng may COVID-19 sa Pilipinas matapos ang panibagong 3,564 na bagong kasong naiulat. Umabot na rin sa 293,152 ang gumaling habang 6,332 ang hindi pinalad.

Loading…