Magkasintahang naghintay ng 12-taon bago magpakasal, trending at inspirasyon sa masa

Image by Paul Fredmark Tang Nolada via Facebook
  • Magkasintahan, umabot sa 12 taon ang paghihintay bago magpakasal
  • Mayroon kasing mga pagsubok na dumating at mga desisyong inuna
  • Nakakakilig ang naging wedding proposal ng nobyo

Masayang-masaya ang magkasintahang Jun Rey Tordecillas at Jonah Eliza Prado yamang matutupad na sa wakas ang pinakahihintay nilang pag-iisang dibdib. Abot 12 taon din kasi ang hinintay nila para matupad ito.

Pagkukuwento ni Jonah sa Facebook, nagkakilala sila ni Jun, na president ng SK Federation sa buong Aklan province noon, sa isang essay writing contest kung saan binati siya ng lalaki pero hindi niya pinansin ito sapagkat busy siya sa contest at gustong manalo.

Image by Paul Fredmark Tang Nolada via Facebook

Habang nagtatalumpati ang SK President ay sa kanya lamang nakapokus ang mata ng lalaki. At nang dumating na sa tagpong iaabot ang sertipikasyon ng mga nanalo, hinila siya ni Jun papalapit, natisod siya kaya’t biglang napayakap sa lalaki.

Wika ng babae, “‘Yung akala mong sa movie lang na eksena.”

Lumipas ang panahon, naging lisensyadong guro si Jonah at niyaya siya ni Jun na magpakasal pero sinabi niyang hindi pa siya handa dahil wala pa siyang lakas ng loob.

Taong 2015 nang handa na sila pareho pero may pagsubok na dumating sa kani-kanilang pamilya kung kaya’t ang pinag-ipunan nilang pera ay naubos. “Can you imagine how we were so sad that time… We are comforted by the fact that our families were both OK and healthy.”

Hindi na nila noon pinag-usapan pa ang kasal. Taong 2018 nang ang guro naman ang nagyaya sa kasintahang noo’y seaman pero ang huli naman ang tumanggi sapagkat nais nitong magbago ng propesyon. Pinili niyang maging bumbero “in the name of love” para mas lagi silang magkapiling.

Nitong October 10, 2020 ay pormal na ngang naganap ang proposal sa Kalibo Fire Station (KFS). Ang siste, pinapunta siya sa KFS dahil gusto raw siyang makausap ng pinuno ng istasyon kaugnay sa anak nito na estudyante niya nang nag-fire alarm at lahat ay naghahanda.

Image by Paul Fredmark Tang Nolada via Facebook

Umalis ang isang fire truck at nagpaikot-ikot sa lugar ngunit biglang nabago ang tunog nito sa kantang Forevermore ng Side A, ang theme song nila.

Kabuuang 12 katao ang sunud-sunod na nagbigay sa kanya ng paper flower pero nalungkot siya nang wala si Jun Rey sa sasakyan. Ito pala’y nasa likuran niya. Paglingon niya’y sinabihan siyang tumingin ulit sa fire truck kung saan may nakasulat na “Will you marry me?”

Pagtingin niya sa lalaki ay nakaluhod na ito. Sagot naman ni Jonah, “Yes, Keen (term of endearment).”

Saad ni Jonah sa Facebook post: “Ang hirap po maghintay; Lalo na at matagal kang naghintay. Pero dahil sa dasal at pagmamahal; Ang Ganda ng kinalabasan ng paghihintay.”

Loading…