Mahigit 100 tarantulas sa loob ng sapatos na ipupuslit papasok ng ‘Pinas, nasabat ng Customs

Imahe mula sa BOC-Facebook
  • Nasabat ang mahigit 100 tarantulas na itinago sa loob ng sapatos sa isang warehouse sa NAIA
  • Ang shipment ay nagmula sa Poland at taga General Trias, Cavite ang consignee
  • Posibleng makulong ang consignee ng hanggang dalawang taon at patawan ng multang hanggang P200,000

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 100 buhay na tarantula na inilagay sa loob ng rubber shoes at plano sanang ipuslit papasok ng bansa.

Ayon sa BOC, 119 na live tarantulas ang kanilang nadiskubre sa loob ng DHL warehouse sa Parañaque City nitong Miyerkules, Oktubre 28.

Imahe mula sa BOC-Facebook

Ang parcel umano ay mula sa Poland at ipinadala ng isang “Michal Krolicki” sa isang consignee sa General Trias, Cavite. Ito ay nakadeklarang sapatos subalit nadiskubreng may mga tarantula na nakaploob sa mga vials at ipinasok sa sapatos matapos itong dumaan sa x-ray machine.

Ang nakumpiskang makamandag na gagamba ay kaagad ibinigay sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Traffic Monitoring Unit (DENR WTMU) para sa ‘proper handling and disposal’ nito.

Dahil itinuturing na isang endangered wildlife species ang tarantula, ang sinumang mahuli na gumagawa ng illegal trading nito ay maaaring patawan ng parusang pagkakakulong mula anim na buwan hanggang isang taon at multang P10,000.00 hanggang Php200,000.00 dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act).

Imahe mula sa BOC-Facebook

“In full support of Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero’s thrust on Intensification of Border Protection, District Collector Carmelita M. Talusan assured the public that despite the pandemic, BOC-NAIA personnel will sustain their collective effort to protect the country’s premiere airport against all fraudulent attempts to import and/or export endangered wildlife species, aside from dangerous drugs and other high risk and dangerous contrabands that are threat to national security and public health,” ayon sa pahayag ng BOC.

Noong nakaraang taon, 757 live tarantulas na nakatago sa loob ng isang kahon ng oatmeal at cookies at 87 buhay na gagamba sa loob ng plastic canisters ang nasabat din ng Customs. Kapwa nagmula sa Poland ang mga nabanggit na shipment.

Loading…