Maja Salvador: “Lahat ng mga regalo ng ex ko, binebenta ko”

Image by Maja Salvador via Instagram
  • Maja Salvador, ibinebenta ang mga naging regalo ng ex niya
  • Depensa ng aktres, ayaw na niyang balikan pa ang mga alaala sa ex
  • Napupunta naman daw ito sa charitable institutions

Mas gugustuhin ng aktres na si Maja Salvador na ibenta ang mga naging regalo ng mga ex niya yamang ayaw umano niya ng memories o balikan pa ang mga alaala sa kanyang mga nakarelasyon.

Image by Maja Salvador via Facebook

Pahayag ni Maja sa episode ng Star Lounge ng Star Magic, “Alam mo, lahat ng mga regalo ng ex ko, binebenta ko. Walang natitira sa akin kasi ayoko ng memories.”

Napupunta naman daw sa mga charitable institutions ang mga napagbebentahan niya ng mga bagay-bagay. Pero ‘yung iba, pagbibiro niya, “‘Yung iba du’n, ‘yun ‘yung pang-travel ko.”

Nabanggit ito ng aktres makaraang mapunta ang usapan sa pagbenta niya ng desktop computer na iniregalo sa kanya ng kanyang kasintahan na si Rambo Nuñez nang magkahiwalay sila.

Wika ni Rambo na naroon din sa episode, “I think may table siya na iniisip niya kung ano ang ilalagay. Parang it was supposed to be either a study table or parang kung saan siya magbabasa, mag-aayos. So it was an empty table kaya ko naisip na ‘yun ‘yung ilagay du’n.”

Sinabi pa ng lalaki na binilhan din niya ng laptop ang babae para ‘twinning’ sila.

Image by Maja Salvador via Instagram

Ngayong nagkabalikan na ang dalawa, ipinahayag ni Maja na mahal niya si Rambo hindi dahil sa mga materyal na bagay kundi dahil sa pagiging sweet nito.

“Hindi naman because of material things. In fairness naman dito, ‘yung may gift na, may mahabang message pa. Nakikita niyo naman ‘yung mga caption niya sa mga Instagram posts niya, ‘di ba? Pero in real life, mas mahahaba pa ‘yun. Pa-MMK na,” aniya.

Ani Maja, umaabot pa raw sa limang pahina ang liham ni Rambo kapag galit ito, pero okay lamang daw ang mahaba basta’t sa wikang Tagalog niya ito isusulat.

Panoorin ang video mula sa Star Magic:

Loading…