Mga guro sa Batangas umakyat sa bubungan ng paaralan upang makasagap ng Wi-Fi para sa online class

  • Naispatan ang ilang mga guro sa isang paaralan sa Batangas City
  • Umakyat sila sa bubungan upang makasagap ng internet signal
  • Marami naman sa mga netizens ang nagbigay ng kanilang reaksyon hinggil dito

Sabi nga, kapag gusto may paraan; kapag ayaw, maraming dahilan. Minsan na naman itong napatunayan ng mga dakilang guro matapos umakyat mismo sa bubungan ng paaralan upang makasagap ng internet connection, upang maisagawa ang online class para sa pagbubukas ng mga klase nitong Oktubre 5, 2020.

Hindi inalintana ng mga guro sa Sto. Nino National High School sa Batangas City ang katirikan ng araw at umakyat sa bubungan ng paaralan, upang mag-iwan ng magandang impresyon sa kanilang mga magiging mag-aaral sa pagbabalik-eskuwela.

Public Domain Image

Ayon sa punungguro ng paaralan na si Eleneth Escalona, hirap na hirap silang makasagap ng WiFi at mobile data signal sa paaralan dahil nasa liblib na lugar ang kanilang lokasyon. Kaya naman, kahanga-hanga raw ang kaniyang mga guro na humahanap ng paraan para makasabay sa panibagong normal ng pagtuturo at pagkatuto.

Samantala, iba-iba naman ang naging reaksyon at komento rito ng mga netizens. May mga nakisimpatya sa mga naturang guro, at may mga nagsabi namang masyadong “OA” ang ginawa nila.

“Marami sa atin hindi maaabot ang posisyon o career kung walang naging guro. Sa ibang bansa, sobrang pinahahalagahan ang mga teacher, pero dito lang sa Pinas ang maraming mga mayayabang at mapangmata, na akala mo eh sobrang yayaman ng mga guro,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “So mas gusto ninyo na walang gawin ang mga bata ngayong pandemya at tumutok na lang sila sa mga gadgets at TikTok?”

“Parang masyadong scripted ang blockings, tapos sabay-sabay nakataas ang kamay. Praktisado. For me lang naman ah,” puna naman ng isa.

Public Domain Image

Wika naman ng isa, “Ang ganda ng choreography. Para sa akin, no need for this… hindi maaawa sa atin mga tao because of that, trabaho na lang tayo nang maayos, may ibang way para iparating sa gobyerno o sa ibang tao ang problema natin sa new normal. I’m also a teacher.”

“They may look exaggerated but the messages conveyed are clear. Either the modular or online classes are challenging. Much respect to all my teachers,” papuri naman ng isa.

Anoman ang intensyon nina Ma’am at Sir sa pag-akyat ng bubong ng paaralan, malinaw naman ang mensahe nito: gagawin nila ang lahat para lamang maisagawa ang kanilang tungkulin para sa bayan at kabataan!

Loading…