Mga guro sa Bikol nakalikha ng ‘disinfection device’ para sa mga libro ng estudyante

Screenshot mula sa SCMP
  • Nakalikha ng isang textbook disinfection device ang mga guro sa Camarines Sur
  • Gawa sa scrap materials ang makina na kinabitan ng fogging machine
  • Handa ang paaralan na ibahagi ang teknolohiya ng kanilang machine sa mga nangangailangan nito

Nakaimbento ng isang ‘disinfection device’ para sa textbooks ang mga guro sa Ragay Science and Math Oriented High School sa Ragay, Camarines Sur na nakatutulong upang tiyakin na ligtas sa virus ang mga aklat.

Base sa ulat ni Mark Salazar ng GMA News, ang device ay gawa sa scrap na metal furring na natatakpan paikot ng plastic cellophane. Ipapasok sa kahon ang mga aklat bago ito bubugahan ng usok mula sa fogging machine na nakakabit sa pamamagitan ng tubo.

Screenshot mula sa SCMP

Tatagal ng isang minuto sa loob ang mga libro bago ito kukunin at ipamamahagi na sa mga estudyante.

Halos 2,000 aklat umano ang kayang i-disinfect ng machine araw-araw na isang malaking tulong upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus sa mga estudyante at guro.

Ayon sa principal ng paaralan na si Ceasario Quirona, ideya ng mga guro ang nalikha nilang ‘disinfection device’.

“Sa aming pagtutulungan at kooperasyon ng bawat isa, kami ay nakalilikha ng isang bagay katulad nito upang masolusyunan ang mga problema na kinakaharap namin sa panahong ito,” ani Quirona.

“Upang malimita o mapigilan ang pagkalat ng virus,” wika pa ng principal.

Screenshot mula sa GMA News

Umabot naman umano sa P4,000 ang nagastos ng paaralan para mabuo ang nasabing makina na tinesting muna nila bago dumating ang pasukan upang matiyak na epektibo ito.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga estudyante sa mga guro dahil nakahanap ang mga ito ng paraan para protektahan sila laban sa virus.

Handa naman ang pamunuan ng eskuwelahan na ibahagi ang teknolohiya sa mga nangangailangan nito.

Source :

GMA News, SCMP

Loading…