Mga guro sa Sarangani, ‘di alintana ang lubak at putik maihatid lang ang mga modules

Imahe mula sa Facebook | DepEd Tayo Sarangani
  • Hinangaan ng netizens ang mga guro sa Sarangani na kinaharap ang malubak at maputik na daan maihatid lamang ang learning modules ng mga estudyante
  • Nagbigay na rin sila ng seminar para sa mga magulang
  • Nakatakdang magsimula ang klase sa Oktubre 5, Lunes

Hindi alintana ng mga guro sa Sarangani ang maputik at malubak na daan na kailangan nilang suungin maihatid lamang ang learning module ng mga estudyante para sa darating na pasukan.

Imahe mula sa Facebook | DepEd Tayo Sarangani

Ayon sa Facebook page ng Department of Education (DepEd) Sarangani, maraming paaralan doon ang nasa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) o mga liblib na lugar, kabilang na ang D. Masalon Y Recto Elementary School sa Sitio Lanaran, Barangay Kaltuad.

Bukod sa pamamahagi ng self-learning module ay nagsagawa rin sila ng orientation para sa mga magulang.

“Ang mga guro ay nararapat bigyan ng pagpupugay, lalo na at ipinagdiriwang natin ang National Teachers’ Month,” sabi pa ng DepEd Sarangani.

Ibinahagi rin ng The Philippine Star ang mga larawang ito at marami ang nagpaabot ng kanilang pasasalamat para sa sakripisyo ng mga makabagong bayani. “Salamat, teachers. Gaano man kalayo ay kinakaya n’yo pa rin. God bless,” ani Nanci M.

Imahe mula sa Facebook | DepEd Tayo Sarangani

“A big thank you sa teachers. Grabe the best ang inyong sakripisyo. God bless sa inyo, mga sir at ma’am,” sabi naman ni HaNi K.

Nakatakdang magsimula ang Academic Year 2020-2021 sa Oktubre 5, Lunes. Una na itong itinakdang magbukas noong Agosto 24 ngunit naurong ito upang mas mapaghandaan ng DepEd ang blended learning.

Matatandaang sinabi noon ni Pang. Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang face-to-face classes habang wala pang bakuna para sa COVID-19.

“We trust that this is the final adjustment of the school opening. Even with the implementation of MECQ, we will use this time to make the necessary adjustments and ensure that all preparations have been made for the successful opening of classes for School Year 2020-2021,” sabi noon ni Briones.

Loading…