Mga kaawa-awang magsasaka, lugi na sanhi ng pandemya lalo pang nalugmok dahil sa bagyo

Screenshot mula sa GMA video
  • Dobleng dagok ang tinamo ng mga magsasaka na nagdala ng pagkalugi sa kanila – ang pandemya at ang bagyong Pepito
  • Hindi pa man nakababangon sa epekto ng pandemya ay sinalanta ng bagyo ang ekta-ektaryang palayan
  • Agad na inihanda ng Department of Agriculture ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong magsasaka

Hindi pa man nakababawi mula sa pagkakalugmok ang mga magsasaka dahil sa epekto sa ekonomiya ng pandemya ay sinalanta naman ng bagyong Pepito ang kanilang mga pananim na nagdala ng malaking pagkalugi sa kanila.

Screenshot mula sa GMA video

Sa Gamu, Isabela, pinatutuyo ng mga magsasaka ang mga nabasang palay sa pag-asang maibebenta pa nila ang mga iyon. Sa kasalukuyan ay napakababa na ng presyo ng bentahan ng palay – nasa P10 hanggang P12 kada kilo na lang.

Sa Malolos, Bulacan naman, umabot sa 40 hectares ng palayan ang sinalanta ng bagyo. Aabot daw sa P30,000 ang lugi nila kada ektarya. Malaki ang posibilidad na hindi na raw sila makababayad sa inutangan nila para makapagtanim.

Ang mga magsasaka naman sa Lopez, Quezon ay napilitang humanap ng ibang pagkakakitaan matapos malubog sa baha ang mga palay na sana ay aanihin na ngayong buwan.

“Para kumita para mayroon makain kasi gutom na, kasi ‘yong aming palayan, lumubog na. Wala nang aanihin,” ani Saldito Buelbo na napilitang magbabad sa baha upang itawid sa pamamagitan ng balsa ang mga kapwa residente sa kanilang bayan.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Tulong mula sa pamahalaan ang apela ng mga magsasaka.

Pinamamadali naman ni Department of Agriculture Secretary William Dar ang paghahatid ng ayuda sa mga apektadong magsasaka sa Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon.

Kabilang dito ang agarang distribusyon ng mga binhi ng palay at mais gayundin ang mga buto ng gulay at iba pang high-value crops para sa mabilis na pagbangon ng mga apektadong magsasaka.

Ayon sa kalihim, inihahanda na ang pondo mula sa Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Pepito.

Imahe mula sa Department of Agriculture
Source :

YouTube, ABS-CBN, RMN

Loading…