Mga OFWs sinisingil hanggang P20K sa airport para sa mas mabilis na COVID test result – Gordon

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Gordon
  • Sinisingil umano ang mga OFWs ng hanggang P20,000 sa airport para sa mabilis na paglabas ng test results
  • Ito raw ang dahilan kaya naglagay na ng testing booth ang Red Cross sa mga airport
  • Naniniwala rin ang senador na mayroong pumipigil kay Gierran para bayaran ng Philhealth ang utang nito sa Red Cross

Ginawang tila modus na naman ng ilang testing booth sa airport ang COVID test para sa mga dumating na overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang pasahero, ayon sa ginawang pagbubunyag ni Senador Richard Gordon.

Sa panayam ng Dobol B sa News TV kay Gordon nitong Linggo, ibinahagi ng senador na sinisisingil umano ng nakapataas na presyo ang ilang dumating na pasahero sa airport para sa mas mabilis na paglabas ng kanilang test result.

Imahe mula sa PRC

Ito raw ang dahilan kung bakit naglagay ng testing booth ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga paliparan, ayon kay Gordon, na siyang kasalukuyang chairman ng pribadong organisasyon. Marami raw kasi silang natatanggap na reklamo mula sa mga OFWs na umaangal dahil sa laki ng sinisingil sa kanila.

“Dinadala sila doon sa linya, [sinisingil] ng P10,000 kada test. Yung iba P7,000. Kung gusto mo mabilis, P10,000. Kung gusto mo pinakamabilis, P20,000,” ayon sa senador.

Naniniwala ang mambabatas na mayroong utak na nasa likod ng nasabing kalakaran at pinagkakakitaan ito ng komisyon. Ito raw ang nais nilang silipin at imbestigahan.

“Yan ang tinitingnan natin, talagang may nagsasamantala,” wika ng senador. “Gusto kong imbestigahan ito.”

Imahe mula sa OTS

Pansamantalang itinigil ng PRC ang pagsasagawa ng COVID test sa mga OFWs dahil sa utang ng PhilHealth na umabot na sa P930-M na hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran.

May hinala rin ang senador na mayroong pumipigil sa bagong talagang PhilHealth chief na si Dante Gierran para bayaran nito ang utang nila sa Red Cross. Posible raw na kung sino man ito ay maaaring kumikita rin sa hindi pagbabayad ng PhilHealth.

Handa naman silang magsagawa ng test uli sa oras na mabayaran ang P930-M subalit sisingilin na umano nila ang PhilHealth kada tatlong araw at hindi na nila hahayaang lumobo pa ito nang ganun kalaki.

Loading…