Mga opisyal ng NTC sinita sa pagbili ng 44 na ‘high-end phones’ na nagkakahalaga ng P2.1-M

Imahe mula sa Wikipedia
  • Bumili ang NTC ng 44 na piraso ng high-end phones na ginamit lamang ng ilang opisyal
  • Hindi naman umano ito natanggap ng mga personnel na sangkot dapat sa proyekto
  • Umabot sa P2.1-M ang halaga ng mga mamahaling cellphones, ayon sa COA

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang National Telecommunications Commission o NTC dahil sa pagbili nito ng mga mamahaling unit ng cellphone para sa ilang opisyal na hindi naman ginamit para sa kanilang tunay na layunin.

Ayon sa ulat ng COA, bumili ang NTC ng 44 na piraso ng Samsung Galaxy S9 at S10 sa halagang P2.1-M para sa kanilang Central Office at National Capital Region (NCR) Office noong taong 2018 at 2019. Ito ay para daw ma-monitor ang performance ng mga telcos sa pamamagitan ng pag-aaral sa kanilang speed, reliability at coverage.

Samsung Galaxy S9, S10| Imahe mula sa USwitch.com

Subalit nadiskubre ng COA na ang 10 personnel na nagsagawa nito ay hindi naman naisyuhan ng mga nasabing units at kailangan pang manghiram sa mga kasamahan na may kaparehong model na hindi naman sangkot sa proyekto.

“This condition manifests that the number of mobile phones procured may be excessive for the intended purpose and that there may not be a necessity to procure new mobile phones in Calendar Year 2019,” ayon sa ulat ng COA.

Inamin naman ng NTC na karamihan sa mga biniling mamahaling cellphones ay ipinamahagi sa kanilang mga branch directors, officers-in-charge habang 13 engineers lamang na sangkot sa proyekto ang nakatanggap ng unit.

Paliwanag ng NTC, ginamit ng mga opisyal ang cellphone upang ma-monitor ang mobile network performance bilang isang ‘regular user’.

Imahe mula sa NTC

Ang presyo ng mga nabiling Samsung mobile phones ay nagkakahalaga noon ng P46,500 at P49,999 bawat isa. Giit ng COA, nakatipid sana ang gobyerno P76,780 kung naghanap lamang ang NTC ng mas murang presyo ng kaparehong unit.

Bukod, dito napagalaman din ng COA na iisa lang ang bidder para sa project.

“Apparently, the public bidding conducted by the CO did not attain the intended result of obtaining the most advantageous price for the government,” wika ng audit team.

Dagdag pa ng COA, ang naging hakbang ng management ng NTC ay nagresulta sa isang kontrata na ‘disadvantageous to the government.’

Loading…