Mga POGO outlets sa Subic nagsisipagsarahan na dahil sa COVID – SBMA

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Lalo pang dumami ang nagsasaradong mga POGOs sa loob ng Subic
  • Malaki raw ang epekto ng pandemya sa industriya simula nang ipatupad ang lockdown
  • Ganunpaman, mayroon namang kapalit itong ibang manufacturer na pumasok sa SBMA

Patuloy na nababawasan ang mga POGO (Philippine offshore gaming operation) firms sa Subic bunsod na rin ng krisis na dulot ng umiiral na pandemya.

Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairperson at administrator Wilma Eisma, isang POGO outlet ay tuluyan nang nagsara kamakailan habang marami pa umano ang susunod dito.

SBMA Administrator Wilma Eisma| Imahe mula sa Punto!

“Nakakalungkot in a way, because the POGO closure is a signal that the economy is not yet there,” ani Eisma sa isang press briefing nitong Biyernes.

Isa umano itong indikasyon na patuloy pa rin ang masamang epekto ng COVID crisis hindi lang sa loob ng Subic kung hindi sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa.

“So, kung kailangan magsara noong POGO which supports the BPO-POGO here in Subic, ibig pong sabihin, ang economy outside where POGO is being serviced is also going down,” paliwanag ng opisyal.

Inamin dati ni Eisma na malaki ang naging epekto sa industriya ng ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) simula noong Marso kaya patuloy ang pagkalugi ng mga POGOs.

Imahe mula sa PNA

Isa na umano rito ang Great Empire Gaming and Amusement Corp., na tuluyan nang nagsara at napilitang pauwiin ang kanilang mahigit 300 Chinese na empleyado matapos malugi ng P106-M.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na umano ang SBMA sa Bureau of Immigration para sa kanselasyon ng mga Chinese na nagtatrabaho sa Subic.

“Kailangan po silang bumalik sa China or kung saan man po silang bayan nanggaling, unless makakuha na po sila ng bagong employment which will support their visa sponsorship,” ayon kay Eisma.

Sa kabila nito, mayroon naman daw ‘kaunting magandang balita’ dahil may mga bagong investments din na pumasok sa SBMA tulad ng mga manufacturer ng face masks.

Loading…