Mga sinehan sa MGCQ areas maaari nang mag-operate

Imahe mula sa InterAksyon
  • Operasyon ng mga sinehan pinapayagan na sa MGCQ areas
  • Hanggang 50% lang ng seating capacity ng sinehan ang pinapayagan 
  • Ang 50% seating capacity rule ay maaari na rin sa mga sporting events, religious activities at work-related conferences sa MGCQ areas

Mahigit pitong buwan na ang mga community quarantine na ipinatutupad sa bansa at sa unti-unting pagpapaluwag ng mga quarantine rules na ipinaiiral ay tiyak na sabik na ang maraming mamamayan na makalabas ng kanilang mga tahanan upang makapamasyal, kumain sa labas o kaya ay manood ng sine.

Imahe mula sa SCMP

Sa nakaraang Laging Handa briefing noong Sabado, October 17, inanunsyo ni Department of Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na pinapayagan na ang operasyon ng mga sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng pinakamaluwag na community quarantine – ang modified general community quarantine o MGCQ.

“Although madami pong naging mahilig sa Netflix sa panahon ng pandemya, kung minsan po ay maganda rin nga pumunta sa sinehan. Pero kina-clarify ko lang po na ang mga sinehan ay pinapayagan lamang sa mga MGCQ areas, at hindi pa po pinapayagan sa mga GCQ,” pahayag ni Usec. Malaya.

Wika ni Usec. Malaya, hanggang 50% ng seating capacity lang ang papayagan sa mga sinehan at mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum health standards para sa kapakanan ng mga manonood.

“Dito po sa mga MGCQ areas, ang kailangan lang pong ipatupad ay minimum health standards; at pangalawa po, they can only utilize the cinema up to 50% of the seating capacity. Kung isandaan po ang puwedeng magkasya, kailangan po ay singkuwenta lamang ang makakapasok o makakapanood ng sine,” paliwanag niya.

Imahe mula sa Daily Guardian

Sinabi pa ng DILG official na pinapayagan na rin ang 50% capacity sa mga sporting events, religious services, at work-related conferences sa MGCQ areas.

Ang limited face-to-face classes sa unibersidad at kolehiyo sa MGCQ areas ay pinapayagan na rin basta susundin ang guidelines na ilalabas ng Commission on Higher Education at ang minimum health standards.

Loading…