Miss Universe PH 2020: Roque kumbinsidong ‘runaway winner’ si Miss Iloilo

Imahe mula sa PNA/ABS-CBN News
  • ‘Runaway winner’ si Miss Iloilo Rabiya Mateo para kay Sec. Harry Roque
  • Aminado rin ang opisyal na nahirapan siyang mag-judge noong Linggo
  • Nagpaabot naman ng pagbati ang Malakanyang sa bagong Miss Universe Philippines

Naniniwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na ‘runaway winner’ ang nanalong 2020 Miss Universe Philippines na si Miss Iloilo Rabiya Mateo.

Isa si Roque na naimbitahang upang maging judge sa prestihiyosong beauty pageant na ginanap sa Baguio Country Club noong Linggo, Ika-25 ng Oktubre.

Imahe mula sa InterAksyon

Kinoronahan si Rabiya Mateo ng Iloilo City bilang bagong Miss Universe Philippines na kakatawanin ang bansa sa susunod na Miss Universe. Tinalo ni Mateo ang 45 pang magagandang kandidata mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Sa isang panayam, aminado si Roque na nahirapan siyang mag-judge subalit inaming ‘runaway winner’ para sa kaniya ang kandidata ng Iloilo.

“Si Iloilo, runaway winner siya doon sa swimsuit at saka doon sa Q and A, at least sa akin,” ani Roque.

“Pero iyong top 8, ang balita ko talaga, walang lumalamang na one point, puro mga decimal point lang ang pagkakaiba. So talagang napakahirap mag-judge,” pag-amin ng tagapagsalita ng Palasyo.

Sa huli ay ang 23 anyos na Indian-Filipino na si Mateo ang itinanghal na winner na sa preliminary pa lamang ay nakuha na ang Best in Swimsuit Awards.

Imahe mula sa ABS-CBN News

“So in the end, iyong kinakailangan kang mag-rank ng one to five, iyon talaga ang akala ko mas mababaliw na ako dahil hindi ko alam kung paano sila ira-rank into one to five,” dagdag pa ni Roque.

Nagpaabot rin ng pagbati ang Malakanyang kay Mateo dahil ‘nag-align ang mga bituin para siya ang i-proklamang pinakanatatanging Pilipina sa buong universe.’

“Congratulations to Ms. Mateo and may her reign be fruitful and productive,” ani Roque.

Maliban kay Mateo, nag-uwi rin ng korona sina Ysabella Ysmael ng Parañaque City bilang first runner-up; Michele Gumabao ng Quezon City bilang second runner-up; Pauline Amelinckx ng Bohol bilang third runner-up at Kimberly Hakenson ng Cavite bilang fourth runner-up.

Loading…