Module na may tanong hinggil sa tunog ng eroplano kinaaliwan

  • Trending ang larawan ng isang learning module sa Filipino Grade 1
  • Tinatanong kasi rito kung ano raw ba ang tunog na nalilikha ng eroplano
  • Natawa ang mga netizens sa mga options o pamimilian

Sa pagbubukas ng mga klase sa pampublikong paaralan noong Oktubre 5, 2020, isa sa mga naging opsyon ng mga mag-aaral ang paggamit ng learning module. Ang module ay isang uri ng kagamitang panturo na may layuning matuto ang isang mag-aaral sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga nakalimbag na talakayan, gawain, at mga pampanukat na pagtatasa at pagtataya o assessment and evaluation sa pagkatuto.

 

Public Domain Image

Kaya naman, inaasahang magiging tama, maayos, at maganda ang nilalaman ng mga ito, at inaasahan ding dumaan sa mga mapanuring mga mata ng editor. Isang pahina ng learning module mula sa Calabarzon Region ang pinag-uusapan online dahil sa isang tanong hinggil sa asignaturang Filipino sa Grade 1, na ibinahagi ng isang netizen.

Tinatanong kasi kung ano raw ang tunog na nalilikha ng eroplano o airplane. May apat na pamimilian: sa letrang A ay weng-weng-weng, sa letrang B naman ay eng-eng-eng, sa letrang C ay wii-wii-wii, at sa letrang D naman ay pipip-pipip-pipip.

Hindi raw matukoy ng ina kung ano ang sagot dito. Tinanong na rin daw niya ang kaniyang mister, subalit hindi rin nito masagot ang tanong.

Tinanong din niya ang kaniyang mga pamangkin subalit hindi rin nila alam ang sagot. Dito na nag-post sa kaniyang Facebook ang ina upang tanungin at konsultahin ang mga netizens hinggil dito.

“Nagulat nga po kami eh. Sabi ko nga, normal lang po sa akin ‘yun na i-post ko para malaman namin ang sagot. Hindi ko po ‘yun ipinost para magpasikat. Nagulat lang po kami na umabot nga po sa ganoon,” aniya.

Nagulat kasi siya dahil naging trending sa social media ang kaniyang post.

Public Domain Image

Marami naman sa mga netizens ang nagsabing piliin na lamang nila ang letrang B na may sagot na “eng – eng – eng” subalit may mga nagturan din na wala naman sa mga pamimiliang ibinigay ang tamang sagot.

Sa panitikan, tinatawag itong “onomatopoeia” o paghihimig. Nagsisilbi itong simbolismo ng tunog o panghalili sa tunog na nalilikha ng isang bagay. Halimbawa, sa pangungusap na “Kumikiriring ang telepono,” pinalitan ng tunog na nalilikha kapag tumutunog ang telepono ang salitang “Tumutunog.”

Samantala, wala pang tugon ang DepEd hinggil dito.

Loading…