Netizen ipinakita kung gaano kataas ang baha sa isang barangay sa Lucena City, Quezon

  • Abot hanggang leeg ang baha sa isang barangay sa Lucena City, Quezon
  • Umapaw kasi ang tubig sa Ilog Dumacaa
  • Agad na nagsilikas ang mga residente

Kamakailan lamang ay nakaranas ng pag-uulan ang Metro Manila at iba pang mga karatig-lalawigan sa Luzon at maging sa Visayas  dahil sa low pressure area o LPA, na sinabayan pa ng paghatak ng southwest monsoon o habagat, ayon na rin sa weather updates ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

Isa sa mga naapektuhan nito ang isang barangay sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon kung saan kinakailangang lumikas ng mga residente dahil umabot ng halos lagpas-leeg ang baha.

Ibinahagi iyan sa Facebook post ng isa sa mga naapektuhang residente na nagngangalang “Francis Semilla.”

Imahe mula sa Facebook account ni Francis Semilla

“Hanggang leeg po ang baha. Mag-ingat po tayo lalo na sa mabababang lugar at malapit dito sa amin May sawa pa na kasinlaki ng kamao ko,” ayon sa kaniyang post. Makikitang halos lumalangoy na sila sa kulay-putik na baha. Naglulutangan din ang mga paso ng halaman, tsinelas, at iba pang maruruming mga bagay.

Ayon naman sa iba pang mga residente ng nasabing lugar, nag-umpisa ang pag-apaw ng tubig sa Ilog Dumacaa dakong 2:00 ng madaling araw at 3:00 naman ay umabot na ito sa bewang at pumapasok na sa mga kabahayan ang rumaragasang baha. Kaya naman, agad silang nagsilikas sa kabila ng banta ng COVID-19.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Naku, kaya kailangan maiayos na ang mga drainage system sa Pilipinas, kasi ang dilemma niyan, ngayong may pandemya pa rin, syempre lilikas ang mga tao at magkakasama-sama sa isang evacuation center. Mataas ang posibilidad na magkaroon ng hawahan ng virus,” pangamba ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Ingat-ingat po tayo! Kailangan na talaga nating alagaan ang kalikasan para hindi na nagkakaganiyan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Francis Semilla

Nitong Oktubre 10, 2020 ay humupa na rin naman ang pag-apaw ng tubig sa ilog subalit putik at dumi naman ang iniwan nito sa mga residente.

Loading…