Netizen nabulaga, P54-K sinisingil sa ‘di nabayarang illegal parking violation

Image by Rommel Estralla | Philippines CCTV & DASH CAM Spotted via Facebook
  • Babayaran ng netizen para mabawi ang lisensyang kinumpiska dahil sa illegal parking violation ay P54,250 umano
  • Ani Rommel Estrella, nagulat siya sa halaga nang magpa-compute
  • May katagalan kasi bago niya naisipang bawiin ang lisensya

Nagpapasaklolo sa madlang pipol ang isang netizen dahil umabot umano sa kabuuang P54,250 ang kinakailangan niyang bayaran para matubos ang lisensiyang nakumpiska dahil sa illegal parking violation.

Image by Rommel Estralla | Philippines CCTV & DASH CAM Spotted via Facebook

Ani Rommel Estrella, batay sa post mula sa Philippines CCTV & DASH CAM Spotted Facebook page, nagpunta siya noong October 22, 2020, sa opisina ng OPPS (Traffic Enforcer Antipolo) para tanungin kung naroon pa ang lisensya niya at ipina-compute ang kanyang babayaran.

“Kanina lang po ako nagpunta sa office ng OPPS (Traffic Enforcer Antipolo), pina-compute ko po kung magkano ko matutubos ang license ko. At tinanong ko kung nandun pa.

“Sabi nila, nandun pa raw. Tapos ibinigay sa’kin ang computation. Nagulat ako sa halaga, pumapatak po s’ya ng P54k, ang violation ko ay illegal parking lang.”

Ang nangyari kasi ay noon pang January 8, 2020, siya nahuli at kamakailan lamang nagpa-compute.

Sa computation, kinakailangan niyang magbayad ng P5,000.00 para sa illegal parking at sinamahan pa ito ng P250 penalty kada araw sa loob ng 197 days; bilang ng araw na nabigo siyang magbayad. Suma total daw ay P54,250.00.

“Ano po kaya gagawin ko? Wala po akong ganyang halaga. Sino po kaya puwedeng lapitan para hindi ganyan kamahal ang babayaran?” ang tanong ni Rommel.

Habang ibinabahagi ito ay nakalikom na ng mahigit 3,600 reaksyon at nasa 1,400 pagbabahagi ang update.

May mga nagsabing ilapit niya ito sa programa ni Raffy Tulfo sa telebisyon o kung puwedeng idahilan ang pandemya, pero karamihan sa mga komento ay nagsabing tama lang ang computation.

Image by Rommel Estralla | Philippines CCTV & DASH CAM Spotted via Facebook

Saad ng isa, “Ganyan talaga ngayon brad. Akin nga noon pinatagal ko ng 3 months, P10k binayaran ko. Ikaw pa, 10 months pa. Depende pa sa kaso mo. Ako nga beating the red light lang.”

Komento pa ng iba, “Nakalagay naman na ‘failure to redeem within a certain period of time will incur penalty.’ Kaya ayan nasampolan ka.”

Sana’y marami rin ang tutulong kay Rommel para mabawi na niya ang lisensya. Nawa’y magsilbi na rin itong aral kay Rommel at sa iba pang mamamayan na huwag patagalin ang pagbabayad ng violation tickets. Ibahagi at nang mapaalalahanan ang iba.

Image by Rommel Estralla | Philippines CCTV & DASH CAM Spotted via Facebook

Loading…