Netizen nagulat sa P1k na bitbit ng kaniyang pusa

Imahe mula sa Facebook | April Jean
  • Nagulat ang isang cat mom nang magising siyang may bitbit na P1k ang kaniyang alagang si Kenzie
  • Ipinagtanong niya na raw sa mga kakilala at kasama sa bahay kung kanila ba ang pera ngunit walang umaangkin nito
  • Maraming netizens ang humiling na sana ay kagaya ni Kenzie ang kanilang alaga

Laking gulat ng cat mom na si April Jean nang isang araw ay magising siyang may bitbit na P1k ang kaniyang alagang pusa.

Imahe mula sa Facebook | April Jean

Kuwento ni April Jean sa isang post sa Facebook group na Cats & Kittens Philippines, nakita niyang may bagay sa bibig ng kaniyang pusa. Maya-maya pa ay iniabot na niya ito kay April. “Ang nasabi ko kaagad, ‘Hoy, Kenzie saan mo ninakaw ‘to?'” pagbabahagi niya.

Sinubukan na raw niyang ipagtanong sa mga kapitbahay at mga kasamahan sa bahay kung may nawawala ba silang pera ngunit walang umaangkin dito. “Naka-vault din po mga wallet at pera ko,” dagdag niya.

Kinagiliwan naman ng netizens ang kaniyang alagang si Kenzie. “Marunong tumingin ng mas malaking value ng pera,” sabi ni Maria L.

Imahe mula sa Facebook | April Jean

Biro naman ng ilan, mukhang nagpapabili ito ng mga pagkain at bitamina. “Bili mo raw siya ng more food pa and vitamins,” ani N. Naga. Tugon naman ni April Jean, “Kumpleto po ‘yan sa cat food, treats, at supply.”

Ang ilan naman hiniling na sana ay kagaya ni Kenzie ang kanilang mga alaga. Kung hindi raw kasi insekto ay ahas ang inuuwi sa kanila ng kanilang mga pusa. “Mine ko na po ‘yong pusa. Ito na yata ang mag-aahon sa akin sa kahirapan,” komento naman ni R. Tan.

Ang netizen naman na si Peter C., sinabing mukhang natutong mag-ipon ang pusa ngayong pandemya. “Nag-save siya ng pera this pandemic. Pang-vacation daw at saka pambili ng tuna,” sabi niya.

Anong gagawin mo kapag nag-uwi ng ganitong “treat” ang pusa mo?

Loading…