Netizen pinuna ang nasakyang modernized jeepney sa Bulacan na walang mga plastic barriers

  • Pinuna ng isang concerned citizen ang nasakyang modernized jeepney
  • Ang biyahe nito ay sa San Jose Del Monte, Bulacan patungong Cubao, Quezon City
  • Wala umanong mga plastic barriers at hindi nagdi-disinfect sa mga pasahero ang konduktor nito

Hindi napigilan ng isang concerned citizen na punahin ang modernized jeepney na kaniyang nasakyan sa San Jose Del Monte, Bulacan, na wala umanong mga plastic barriers bilang bahagi ng health protocols para matiyak na nasusunod ang social distancing sa loob nito.

Itinampok sa Facebook page na “Balitang SJDM” ang Facebook post ni “Rosalina Santos” hinggil sa naturang modernized jeepney na bumibiyahe mula San Jose Del Monte, Bulacan patungong Cubao, Quezon City. Bukod sa walang plastic barriers, sinita rin niya ang kawalan ng pagdi-disinfect sa mga pasahero nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Rosalina Santos

“Gaano ba ito kalakas bakit hindi pinapansin ng mga traffic enforcers ng SJDM? NO PLASTIC BARRIER (para sa kaligtasan ng mga kapwa ko PASAHERO) SUMAKAY ako rito ni hindi man lang nag-disinfect (kahit alcohol man lang para sa mga KAPWA PASAHERO KO NA SUMASAMPA),” aniya.

“Nakakapagtaka bakit ito nakakabiyahe. SANA NAMAN PO AY MAKARATING ITO SA KINAUUKALAN PARA SA KALIGTASAN NG MANANAKAY. BIYAHENG FRANCISCO-CUBAO NA BUMIBIYAHE NG STARMALL MUZON,” dagdag pa nito.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kung walang plastic barriers magkusa na lang sa social distancing at magdala ng sariling alcohol, face mask at face shield,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Yung mga drivers ng lumang jeep, gumastos para makasunod sa protocol at ma-provide yung mga kailangan para makabiyahe kahit walang-walang pera. Tapos ‘yang mga modernized jeep na ‘yan, kahit isa wala man lang sinunod sa protocol pero nakakabiyahe.”

Imahe mula sa Facebook account ni Rosalina Santos

“Sumakay na rin ako sa ganiyan, punuan pa… yung konduktor niyan na babae sige pa rin sa pagpapasakay kahit masikip na nga. Paano magkakaroon ng social distancing kahit gusto mong dumistansiya?” puna naman ng isa.

Matatandaang mahigpit pa ring ipinatutupad ng mga awtoridad ang isang metrong pagitan sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19. Samantala, wala pang komento o opisyal na pahayag ang lokal na pamahalaan ng CSJDM sa naturang concern.

Loading…