
- Sinuspinde na ng Ombudsman ang mga empleyado ng Immigration na umano’y sangkot sa ‘pastillas scheme’
- Kabilang rito ang empleyadong tumestigo sa Senate hearing na si Ignacio
- Dahil dito, nalalagay raw sa panganib ang buhay ng mga OFWs
Suspendido ang 44 na empleyado ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa kontroberisyal n ‘pastillas scheme’ na pinaniniwalaang pinagkakitaan ng bilyon-bilyong piso ng mga taong nasa likod nito.
Inilabas ni Ombudsman Samuel Martires nitong Martes ang order laban sa 44 na Immigration employees na suspendido sa trabaho sa loob ng anim na buwan.

Kabilang sa listahang inilabas ng anti-graft body ay si Jeffrey Dale Ignacio, ang empleyadomg umamin sa modus at tumestigo sa Senado kasama ni whistleblower Allison Chong.
Si Ignacio rin ang nagturo kay dating BI Deputy Commissioner Marc Red Mariñas bilang utak umano ng modus kasama ang iba pang matataas na opisyal.

Ang ‘pastillas scheme’ ay unang ibinunyag noong Pebrero. Sangkot sa scam ang ilang empleyado ng Immigration na diumano’y tumatanggap ng lagay mula sa mga Chinese nationals na dumarating sa bansa kapalit ang VIP treatment.
Magugunitang isinangkot ng journalist na si Ramon Tulfo sa scam si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mariing pinabulaan sa Senate ang nasabing alegasyon.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, umabot na sa P40-B ang posibleng naibulsa ng mga tiwaling Immigration employees mula sa ‘pastillas scheme’.

Kaugnay nito, pinabulaanan na rin dati ng Ombudsman ang ibinulgar ni Ignacio na mayroong opisyal ng kanilang tanggapan na sangkot rin sa modus. Ito ay matapos umanong ipagmalaki ni Mariñas sa kanila na mayroon silang ‘contact’ sa Ombudsman.
Naniniwala naman si Hontiveros na mayroon pang ‘mas mataas na protector’ ng mga mastermind na pinangalan ni Ignacio at Chong.
“Mukhang posibleng may mas mataas pa na protector, dahil kung bakit napakalakas ng loob nila gumawa ng ganitong business model na napaka-efficient,” ayon sa dating pahayag ni Hontiveros.