Online seller inakalang niloloko ng ka-transaksyong bata na maganda pala ang layunin sa pag-order

Image by Monasque U. Rhemuel via Facebook
  • Nagkamali ang online seller sa pagkilatis sa ka-transaksyon
  • Inakala kasi ni Monasque Rheumuel na wala pang kakayahan ang batang kausap para bayaran ang may P4.5-K halagang produkto
  • May nakaaantig at magandang motibo pala ang ka-transaksyon sa pagbili ng cellphone

Parte na ng trabaho ng mga online seller ang busisiin ang social media account ng ka-transaksyon at kilatisin itong mabuti para malaman kung bogus o manloloko ang kausap. Marami na kasi ang mga naiuulat na biktima nito. Kaya lamang, nagkamali ang isang online seller sa pagkilatis sa batang ka-transaksyon.

Image by Monasque U. Rhemuel via Facebook

Ani Monasque Rheumuel, nagdududa siya sa kausap kamakailan na bibili ng cellphone sapagkat bata ang nasa social media account at sa kanyang pagtataya ay wala itong trabaho at wala pang kakayahan para bayaran ang P4,500-halaga ng produkto.

Inisip  niya na baka pinagti-tripan lamang siya ng bata kaya’t hindi siya pumunta sa napagkasunduan nilang meet-up time na alas-siyete ng umaga.

“Maya-maya, chat ng chat, nandon na daw s’ya. Sabi ko, picture ka nga. Nag-picture naman s’ya at sinend sa akin. Bigla ‘kong napasip, baka inutusan ‘to. Kaya ayun, sabi ko, 30 mins nand’yan na kamo ako.”

Kalaunan ay nagkita ang dalawa pero nang makitang naka-Samsung A70 ang kausap ay naging kampante na ito. Ang Samsung A70 kasi ay nagkakahalaga ng P22,990 noong unang ipakilala sa Pilipinas, bumaba na sa P15,000 ang presyo ngayong 2020.

Tinanong pa rin ni Monasque ang bata kung sino ang nag-utos na sinagot naman ng kausap na nag-ipon ito para sa online class ng kanyang kapatid.

Image by Monasque U. Rhemuel via Facebook

Dito napagtanto ng online seller na, “Don’t judge people dahil sa ‘itsura o edad. Don’t judge people kung di mo pa naman nakilala. At kahit kilala mo na, don’t judge people pa rin hehe.”

Nakakuha na ng higit 37,000 reaksyon at nasa 15,000 pagbabahagi ang update ng online seller.

Komento ng isa, “Wooow! Inspiring! Kudos to that child.”

Image by Monasque U. Rhemuel via Facebook
Source :

Facebook, iPrice

Loading…