Padre de pamilya nag-sorry sa mga anak dahil sa tsitsirya, itlog at kamatis na ulam

Image by Trending Viral via Facebook
  • Humingi ng paumanhin ang ama sa kanyang mga anak dahil sa tsitsirya, itlog at kamatis ang kanilang ulam
  • Hindi pa raw kasi sumusuweldo ang padre de pamilya at mahina rin ang pasada
  • Nag-trending ang post sa social media

Humakot ng sari-saring reaksyon sa social media ang paghingi ng paumanhin ng isang padre de pamilya sa kanyang mga anak yamang tsitsirya, itlog at kamatis umano ang ulam nila sapagkat hindi pa siya sumusuweldo.

Image by Trending Viral via Facebook

“Mga anak, pag-pasensiyahan n’yo muna ang hinapag ko ngayong Lunes. Hindi sumuweldo ang tatay n’yo, mahina ang pasada,” ang pahayag ng ama batay sa pagbabahagi ng FB page na Trending Viral.

Pagko-comfort ng ama, isipin na lamang umano ng mga anak na nabili pa niya sa ibang bansa ang ‘itlog ng dinasaur’, maging ang ‘salmon fish’ na ma-bitamina at ihalo ang ‘kamatis na galing Canada.’

Dahil sa kanilang pagkain, panigurado raw na tutunog ang bituka ng mga anak pero ‘wag na lamang itong pansinin.

“‘Wag nyo na lang papansinin mag-kulubot na lang kayo para ‘di gugulo ang bulati n’yo sa stomach hahahhahahaa. senya na sa mga post ku.puro katotohanan yan. STAY SAFE.”

Agad namang nag-trending ang update na nakalikom na ng higit 1,900 reaksyon at maraming pagbabahagi habang ipino-post ito.

May nagsabing maging positibo lamang umano ang ama, pasasaan at makararaos din. “Laban lang ‘tay, pasasaan pa at makakaraos din tayong lahat, ‘wag lang bumitaw kay Papa God.”

Image by Trending Viral via Facebook

Saad naman ng iba, magpasalamat pa rin dahil mayroong nakakain. “Ipagpapasalamat po sa Diyos ang lahat, kaunti man o marami, blessing po ‘yan lahat lalo na po ang kalusugan. Kami po, lumaki lang din sa bukid na saging at kamote ang kinakain namin noon, pero may awa po ang Diyos. Dasal lang po. ‘Di niya tayo pababayaan.”

Wika pa ng iba, “Naranasan nga namin na isang itlog pinaghati-hatian pa namin ng asawa at tatlo naming anak. Pero nagpapasalamat kami at least, may nakain pa rin kami. Minsan wala talaga.”

Image by Trending Viral via Facebook

Loading…