Pag-expire ng mga gamot sa DOH warehouse, ‘di maiiwasan – Duque

Imahe mula sa Impact Magazine
  • Sinita kamakailang ng COA ang halos P2.2-B na expired, nearly expired at overstocked na gamot ng DOH
  • Subalit ayon kay Duque, hindi ito maiiwasan dahil sa ‘overstock ng kanilang supplies
  • Tiniyak din ng kalihim na may opisina at mga tao na silang nagmo-monitor nito

Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) na hindi maiiwasan ang pag-expire ng mga gamot sa kanilang warehouse dahil umano sa ‘overstock’ ng supplies bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng magkakasakit.

Sa ginawang budget hearing sa Senado, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kailangan nilang siguruhin na mayroong sapat na stock ng gamot upang matugunan ang kanilang projection sa pagkalat ng sakit.

Screenshot mula sa PCOO video

“Minsan ang projection hindi naaabot. Minsan ‘yung mga nagkasakit na bilang hindi tumugma sa projection, may mga maliit na sobra,” paliwanag ni Duque.

Ayon pa sa kalihim, maliban sa delay sa procurement, mahalaga na mayroong sapat na imbak na gamot ang DOH.

“Ang mga gamot naman kasi po ay parang insurance. Kailangan may gamot para kung may sakit may pagkukunan. Kesa sa magkasakit ang taong bayan wala ka namang maibigay,” wika ni Duque.

Magugunitang sinita ng Commission on Audit (COA) sa 2019 audit report nito ang halos  P2.2 bilyong halaga ng expire, nearly expired at overstocked na mga medical at dental supplies na nakaimbak sa mga bodega ng DOH.

Nagpaliwanag na rin ang DOH na ang COA report ay saklaw lamang ang buwan ng Enero 2019 hanggang Disyembre 2019 at sa kasalukuyan ay hindi na ganito ang sitwasyon.

Imahe mula sa DOH

“We are one with the Commission on Audit and we are closely working with them in deploying and dispatching commodities in a timely manner. I thank the many hardworking men and women of DOH who have successfully found a way to address these issues. Despite the pandemic, the DOH has continued the distribution of medicines and supplies,” ani Duque sa isang pahayag.

Tiniyak din ng kalihim na bumuo na sila ng opisina ng logistics, supply at finance management, at mayroon na ring mga tao na nagbabantay sa buong supply chain ng gamot at minomonitor din ito.

Loading…