Palasyo itinangging may ‘exceptions’ sa gagawing corruption probe ng gobyerno

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Itinanggi ng Malakanyang na mayroong ‘exceptions’ sa gagawing imbestigasyon
  • Naghahanap lang daw talaga ng ebidensiya ang presidente
  • Tiniyak rin ni Roque na mananagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa katiwalian, malapit man ang mga ito sa Pangulo

Itinanggi ng Malakanyang na mayroong pinapaboran ang isasagawang imbestigasyon ng inter-agency anti-corruption task force sa lahat ng sangay at ahensiya ng pamahalaan.

Bilang reaksiyon sa sinabi ni Senador Panfilo Lacson, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na naghahanap lang ng ebidensiya ang presidente at hindi ibig sabihin nito ay ligtas na ang kaniyang mga kaalyado.

Imahe mula sa PCOO

“Wala naman po sigurong ganoon (exceptions). Naghahanap lang po ng ebidensya ang Pangulo,” ani Roque sa kaniyang virtual presser ngayong Huwebes.

Lacson kinuwestiyon ang tila ‘exemptions’ ng ilang opisyal sa corruption probe

Mababatid na kinuwestiyon ni Lacson ang tila pag-absuwelto ng Pangulo kina DPWH Sec. Mark Villar at DOH Sec. Francisco Duque III bago pa man magsimula ang corruption probe.

“That’s most welcome kasi nobody is above the law. Pero bakit exempted dito…parang effectively, without saying it, parang sinasabing huwag n’yo isama si Secretary Duque or Secretary Villar,” wika ng senador.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Subalit tiniyak ni Roque na mananagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa katiwalian, malapit man ang mga ito sa Pangulo.

“Kahit sino naman po, kahit gaano kalapit sa kaniya, kahit gaano ang pagpuri niya sa nakaraan, kung mayroon naman pong ebidensiya ng katiwalian ay parurusahan ng ating Presidente,” paniniyak ng tagapagasalita ng Malakanyang.

Ginawa ring halimbawa ni Roque ang nangyari kay resigned Philhealth chief Ricardo Morales na hindi naman umano naging hadlang ang presidente para imbestigahan at litisin ito.

Nauna nang dinepensahan ni Duterte si Villar matapos sabihing naniniwala siya na hindi sangkot sa katiwalian sa DPWH ang ‘mayaman na’ at ‘well-educated’ na kalihim.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Sinabi rin ng presidente sa isang televised briefing na wala siyang nakikitang dahilan para tanggalin sa puwesto si Duque dahil hindi naman ito bahagi ng PhilHealth.

Bagama’t suportado ng maraming senador ang binuong anti-corruption task force ng Palasyo, nangangamba ang ilan sa kanila na baka sa huli ay mga taga-oposisyon lang ang masampahan ng kaso at hindi kabilang ang mga kaalyado ng administrasyon.

Loading…