Pangulong Duterte ‘nakahanap na ng pera’ na pambili ng COVID vaccine

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Tiniyak ni Pangulong Duterte na mayroon nang pondo para sa coronavirus vaccine
  • Subalit maghahanap pa siya umano ng dagdag na pera dahil na rin sa laki ng populasyon ng bansa
  • Tulad ng nauna niyang sinabi, uunahin umanong mabakunahan ang mga mahihirap, sundalo at pulis

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mamamayang Pilipino na mayroong pondo ang pamahalaan para ipambili ng bakuna laban sa COVID-19 sa oras na maging available na ito.

Sa kaniyang pinakahuling televised public address nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng Pangulo na nakahanap na siya ng pera at nakahanda na rin ito anumang oras.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

“This I can assure you again na nakahanap na ako ng pera. I have the money already for the vaccine, but hahanap pa ako ng maraming pera because there are already 113 (million) Filipinos. And to me, ideally, all should have the vaccine without exception,” paniniyak ng Pangulo.

Muling iginiit ng presidente na prayoridad para mabakunahan nang libre ay ang mga mahihirap tulad ng mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

“Again, ang mauna ang mga mahirap na walang pera, hindi makabayad. Ang listahan ‘yung doon sa Pantawid,” ani Duterte.

Sumunod umano na unahing bibigyan ay ang mga sundalo, pulis at miyembro ng security forces dahil kailangan sila para masiguro ang seguridad ng bansa.

Muli ring inulit ni Pangulong Duterte ang sinabi niya noon na handa siya bilang isa sa mga mauunang magpapaturok ng vaccine.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

“Pero kung mag-offer… Ako naghihintay ako tawagin ako ng China or Russia. I’ll be glad to open up my sleeves and, ‘sige,’ kasi may kumpuyansa nga ako,” dagdag pa ng Pangulo.

Dati na ring nabanggit ng Pangulo na nag-alok sa kaniya pareho ang China at Russia para mag-supply ng bakuna sa Pilipinas. Pinawi rin ni Duterte ang pangamba ng karamihan sa bakunang manggagaling sa China dahil sigurado umano siyang ligtas ito.

Nakausap na rin niya umano ang ambassador ng Russia at siniguro nito sa kaniya ang kanilang tulong. Sa katunayan, ayon kay Duterte, nangakong magtatayo ng pharmaceutical company ang Russia sa Pilipinas na siyang gagawa ng bakuna.

Nauna nang sinabi ng Malakanyang na mayroon nang nakalaang P20-B pondo para sa COVID vaccine sa pakikipagtulungan ng ilang bangkong pag-aari ng pamahalaan.

Loading…