Panibagong containers ng basura mula Amerika nasabat ng Customs sa Subic

Imahe mula sa BOC
  • Ilang containers na naman ng basura ang nasabat ng Bureau of Customs sa Subic
  • Ito ay nagmula sa Estados Unidos at naka-consign sa Bataan 2020 Inc.
  • Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang nasabing insidente, ayon sa BOC

Dalawang containers ng mga basura mula sa Estados Unidos ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Subic Bay International Terminal nitong Miyerkules, ika-21 ng Oktubre.

Ang shipment umano ay consigned sa isang Bataan 2020 Inc. at idineklara bilang ‘American Old Corrugated Cartons for Repulping’. Ito ay napaulat na kabilang sa 30 containers na nakapangalan lahat sa kaparehong consignee.

Imahe mula sa BOC

Ang mga containers ay nasabat sa pakikipagtulungan ng Port’s District Collector, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS) and Assessment Division at pakikipag-ugnayan na rin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kasalukuyan nang ginagawa ang imbentaryo upang malaman kung anong klaseng basura ang laman ng container at kung gaano ito karami, ayon sa BOC.

“Investigation on the possible violation of Section 1400 of RA 10863 otherwise known as the Customs Modernization and Tarrif Act (CMTA) as well as other pertinent environmental laws are also underway,” pahayag pa ng ahensiya.

Imahe mula sa BOC

Nitong mga nagdaang taon, ilang containers na rin ng mga basura mula sa Canada at South Korea ang nadiskubre na nakaimbak sa Manila International Container Port.

Nitong Enero, walong empleyado mula sa DENR, Environmental Management Bureau (EMB) at Bureau of Customs (BOC) ang sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot sa anomalya.

Ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng shipment ng basura na nagmula sa Canada noong nakaraang taon.

Loading…